Pinaghahanap na ng Manila Police District (MPD) ang lalaking nag-iwan ng kahina-hinalang bag sa tabi ng ATM machine sa isang bangko sa Binondo, Maynila.
Sa CCTV na nakalap ng MPD, makikita na may isang lalaki na nakasuot ng puting T-shirt , maong pants, mask, at naka-itim na sumbrero ang nakatayo sa may pinto papasok kung saan may ATM.
Pagkalabas ng ibang mga nag-withdraw ay agad naman pumasok ang lalaki dala ang isang backpack. Makalipas ang ilang minuto'y lumabas ang lalaki na wala ng dalang bag.
Naglakad ito at may inabot na sulat sa guwardya ng bangko sabay nagmadaling naglakad palayo.
Hindi muna idinetalye ng MPD PIO kung ano ang laman ng sulat dahil nagpapatuloy anila ang imbestigasyon.
"May inabot siyang sulat kung saan may mga nakalagay doon na mga dini-demand niya," ani MPD Spokesperson Maj. Philip Ines.
"Ongoing 'yong pagfa-follow doon [para] ma-identify natin sino itong taong ito," dagdag ni Ines.
Batay sa imbestigasyon ng MPD, nagdulot ng takot ang iniwang bag sa may bangko pasado alas-2 ng hapon noong Lunes. Kalauna'y nabatid na negatibo ito sa bomba.
"Base sa narecover nating item doon, nananakot lang siya kasi wala namang kapasidad at walang component na sumabog," ani Ines.
Kasabay ng imbestigasyon, binibisita na rin anila ng mga pulis ang ibang bangko, pawnshop at iba pang business establisyimento sa lugar para maiwasan na ang kaparehong insindente.
Nagpaalala ang MPD sa mga may-ari ng mga business establishment pati na sa publiko na maging alerto at kapag may napansin na kahina-hinalang tao ay agad na i-report ito sa mga pulis.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.