PANOORIN: Upuan ng mga mag-aaral, yari sa basura

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 04:09 PM

Yari sa basura ang mga school armchair na ginagawa sa isang pabrika sa Davao City. Kuha ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Binuksan sa Davao City ang isang recycling plant o pabrika na nangongolekta ng mga basura para gumawa ng mga school armchair.

Binubuo ang mga upuan mula sa mga materyales gaya ng plastik bottles at sako.

Dudurugin muna sa isang makina ang mga materyales bago hugasan sa isang water tub at patuyuin ng dryer.

Matapos ito'y ilalagay sa isang extruder machine para tunawin ang plastik at ihulma.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Naisip ko po na i-continue ito at gumawa ng isang innovation para makatulong talaga sa kalikasan," ani Winchester Lemen, may-ari ng pabrika.

Tumatagal ng hanggang 20 taon ang mga likhang upuan.

Nangangailangan ng 60 toneladang plastic ang pabrika kada buwan para makagawa ng mga upuan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, malaking tulong ito para mabawasan ang mga plastik na itinatapon sa sanitary landfill, lalo na't halos puno na ito.

Bukas sa proyekto ang Ecoteneo, isang environmental group mula Ateneo de Davao University.

Pero kailangan pa rin umanong pag-aralan ang sistema at tingnan kung hindi nagdudulot ng polusyon sa hangin ang pagtunaw ng plastik.

"We also want to ensure na safe ang process," ani Mylai Santos, direktor ng Ecoteneo.

-- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.