Binalibag na tila manyika: Yaya 71 beses umano sinaktan ang alagang sanggol

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2019 04:53 PM | Updated as of Dec 01 2019 09:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — (UPDATE) Nanlumo ang mga magulang ng isang 10 buwang gulang na sanggol na babae matapos nilang madiskubre ang mga pananakit na ginawa dito ng kaniyang yaya.

Hindi lang kasi isa kundi 71 beses umano nasapul ng nakakubling "nanny cam" ang mga pananakit ng suspek na si alyas "Vanessa."

Kuwento ng ama ng bata na si alyas "Mark," may trabaho kasi sila ng kaniyang misis kaya kailangan nilang umarkila ng yaya.

"Bale 'yung kuya ko kasi may nag-refer sa kaniya na yaya so since okay naman nagpakuha kami... In-expect namin [since] okay 'yung sa kuya ko, okay [din 'yung] sa amin," ani Mark.

Wala naman umanong problema noong simula hanggang sa kausapin na sila ng kapitbahay ukol sa hinala nila kay Vanessa.

Nagpakabit ang mag-asawa ng nanny cam na nagsilbing mga mata nila kapag iniiwan ang sanggol kay Vanessa.

Ayon kay Mark mino-monitor niya mula sa trabaho ang camera sa bahay pero hindi niya agad napansin ang mga pang-aabuso.

“Before sila dumating - dalawa kasi yaya ko, may in-install na akong camera, yung baby madalas nasa kwarto. From that namo-monitor ko siya sa cam, nata-track ko siya sa bahay. Madalas talaga lagi ko chine-check. Walang physical na ano sa katawan eh walang pasa o bukol pero napapansin nung kapitbahay namin na bigla umiiyak yung bata.”

Hanggang sa tinanong ng kanilang kapitbahay kung nakabukas ang camera na iniwan sa kwarto. Doon na kinutuban si “Mark” kaya’t masinsinang inupuan ang mga na-record sa camera.

“Sobrang dami ko nakita may times na pinapatulog niya ang bata imbis na tap lang sa pwet nakaclosed fist pati sa ulo."

Sa isang video, parang manyika na ibinalibag ni Vanessa ang baby sa kama matapos paliguan. Pinilipit din niya ang sanggol habang binibihisan.

"Sobrang dami ko nakita... After maligo 'yung bata karga niya ihahagis niya doon sa kama 'yung ulo umaalog talaga... From November 18 to 28, sa duration na 'yun... 71 videos na sinaktan niya anak ko," hinaing ni Mark.

Halos 2 buwan namasukan si Vanessa sa mag-asawa.

Ipina-blotter na sa barangay ang yaya pero noong una ay tumanggi pa ito sa mga paratang. Hanggang sa dalhin na siya sa pulisya at doon ito napaamin.

"Nagawa ko lang po 'yun kasi hindi ko na po alam ano gagawin ko. Nabalingan ko na lang po siya [dahil] wala pong trabaho ang asawa ko," depensa ni Vanessa.

Desidido ang mag-asawa na magsampa ng kaso.

-Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.