PatrolPH

Presyo ng itlog tumaas sa nakaraang dalawang linggo: grupo

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2022 12:44 PM

Watch more News on iWantTFC

Kinumpirma ngayong Miyerkoles ng Philippine Egg Board Association na nagmahal ang presyo ng itlog nitong nagdaang 2 linggo.

Sa panayam ng Teleradyo, ipinaliwanag ni Gregorio San Diego, chairman ng asosasyon, na bumaba kasi ang produksiyon ng itlog habang tumaas naman ang demand dahil sa Kapaskuhan.

Marami umanong produktong ginagamitan ng itlog lalo ngayong Kapaskuhan, gaya ng leche flan at cake.

Iba-iba aniya ang presyo, depende sa lugar, tulad sa Batangas na P6.20 kada piraso ang medium na itlog.

Pero sa Bulacan at Pampanga, kung saan maraming farm ang nagsara at ang iba'y nalugi na, P7 ang medium na itlog.

Ayon kay San Diego, wala rin halos kinikita ang nagnenegosyo ng itlog dahil sa taas ng presyo ng feeds.

"'Yong kinakain ng bawat manok para mangitlog, sila 'yong feed component, P4.41. 'Di pa kasama 'yong labor, sa fuel, electricity. Gastos lang 'yan sa feeds, ganoon kataas ang gastos namin [sa feeds]," ani San Diego.

Sa kabila nito, tiniyak ni San Diego na sapat ang supply para sa holiday season.

Sa Commonwealth Market sa Quezon City, P10 kada tray ang itinaas sa presyo ng itlog ngayong linggo. Samantala, hindi pa gumagalaw ang presyuhan sa Kamuning Public Market, kung saan nasa P225 hanggang P240 ang medium tray.

Ayon sa ilang nagtitinda, posibleng kumaunti ang supply kaya nagtaas ng presyo sa ilang pamilihan.

"Siguro mga shortage. Walang supply. Pero hindi naman puwedeng basta-basta mag-angat. Kung ano 'yong sizes, may standard na price, 'yon lang ang susundin namin," anang tindero ng itlog na si King Libunao.

Samantala, bumaba naman ang presyo ng rekados ng omelette:

  • Sibuyas - P260 kada kilo mula P280
  • Kamatis - P100 kada kilo mula P120
  • Mantika - P35 mula P40
  • Carrots - P100 kada kilo mula P150
  • Talong - P100 kada kilo mula P150

— May ulat ni Champ de Lunas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.