Mga senador, kongresista, nagbanggaan sa 2018 budget | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga senador, kongresista, nagbanggaan sa 2018 budget

Mga senador, kongresista, nagbanggaan sa 2018 budget

Sherrie Ann Torres,

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Simula pa lang ng himayan ng panukalang P3.7 trilyong national budget para sa 2018 pero kita na ang banggaan ng Senado at Kamara sa mga natapyasang ahensiya ng gobyerno.

Ang pinakanatamaan dito ay ang infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Agaw-eksena sa unang araw ng bicameral conference committee meeting ang animo’y galit na pakikipag-usap ni Senador Cynthia Villar kay Senador Panfilo Lacson ilang minuto bago magsimula ang pulong.

Sabi ni Lacson, kinukuwestiyon ni Villar ang binawas nyang P50.7 bilyon sa DPWH budget na wala naman daw malinaw na right of way o pagbabayaran.

ADVERTISEMENT

Ang DPWH ay pinamumunuan ni Mark Villar, anak ng senadora.

Ang kinaltas na pondo, ipinalipat ni Lacson sa mga proyekto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), chalk allowance ng mga guro, feeding programs, at para sa gagawing population survey ng Philippine Statistics Authority.

Aminado si Lacson na maraming nagagalit sa kaniya ngayon.

"Actually maraming resistance. Ang dami ngang kumakausap na tinamaan 'yung mga projects nila," ani Lacson.

Kinumpirma naman ni Villar ang argumento nila ni Lacson.

"Dapat i-clarify sino ba ang may mga problema kasi marami naman [sa budget] walang problema, [so] dapat i-restore 'yung mga walang problema di ba?” giit ni Villar.

Si House appropriations committee chair Karlo Nograles, halata ring hindi nagustuhan ang ginawa ni Lacson.

“We submitted it to them, the version of the House [budget], early on...Now, suddenly, tatapusin nila nang malapit na matapos ang taon na ganito karaming adjustments for us to start studying all these adjustments,” hinaing ni Nograles.

Kung ang Kamara ay hindi ginalaw ang 'tokhang' budget na P900 milyon at MASA MASID fund na P500 milyon, ang Senado ay inilipat ito sa PNP at AFP housing projects.

Ang pera para sa dagdag sa suweldo ng mga pulis at sundalo, kinuha rin ng Senado sa DPWH budget.

Maliban sa P5 milyong fund para sa libreng wifi sa state colleges and universities na libre na rin ang matrikula ngayon, P5,000 chalk allowance sa mga guro ang pinabibigay ng Senado kumpara sa P3,500 lang sa bersiyon ng Kamara.

Ang rehabilitasyon ng Marawi, may P10 bilyong pondo rin sa 2018.

Dadagdagan na rin ang center para sa kabataan, walang tahanan, at iba pang nangangailangan.

Ang lahat ng government employees, puwede nang gamitin ang libreng medical check-up ng Philhealth.

"Ngayon sa ating P6.5 billion na karagdagan sa Philhealth ay lahat ng government workers ay meron nang magandang health care program...Kayang i-implement ng Philhealth [ito] mid-2018 or June," ani Senador Loren Legarda, chairperson ng Senate committee on finance.

Samantala, humabol sa pulong si Labor Secretary Silvestre Bello III para humingi ng P1.1 bilyong pondo para sa repatriation program ng DOLE sa mga overseas Filipino workers sa Qatar, Lebanon, at Saudi Arabia, kung saan tuloy daw sa pag-init ang sitwasyon.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.