PatrolPH

Daan-daang trabaho alok ng foreign companies sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2020 04:20 PM

Daan-daang trabaho alok ng foreign companies sa Pilipinas 1
Daan-daang aplikante sa isang job fair sa Quezon City Hall noong Mayo 2018. ABS-CBN News/File

Taong 2017 pa nang huling magkatrabaho si Hanna Marcelo. Ngayon, 3 business process outsourcing company na ang kaniyang in-apply-an pero wala pang callback.

Problema rin kasi umano na kailangan muna ng COVID-19 test bago ma-proseso ang aplikasyon.

"Ang dami nilang hinihingi na test, lalo na swab test. Eh magkano swab test ngayon?" ani Marcelo. "Saan ka kukuha no’n sa gitna ng pandemic kung wala ka na ngang trabaho?"

Dalawang buwan nang tengga si Zaldy Soriano mula nang magpalit ng security agency ang kompanyang dati niyang pinagtatrabahuhan.

Ayon kay Soriano, nasasaid na ang ipon niya.

"Kailangan ko po ng trabaho dahil suporta sa mga anak ko... tapos nagbabayad ako ng bahay, kuryente, tubig," ani Soriano, na may 5 anak.

Isa naman si Gil Oracion sa mga natanggal na driver ng ABS-CBN nang magkaroon ng retrenchment dahil sa pagkawala ng prangkisa.

Problemado umano siya lalo't kapapanganak lang ng misis niya.

"Puro utang. Mahaba na listahan," ani Oracion.

Para sa mga naghahanap ng trabaho, may mga oportunidad na binuksan ang mga dayuhang kompanya sa bansa.

Naghahanap ngayon ng 500 manggagawa ang Swedish home furniture retailer na IKEA para sa kanilang kauna-unahang store sa bansa sa Pasay City.

Kabilang sa mga bakanteng posisyon ay sales associate, food asisstant, customer service associate, safety and security specialist, technician, karpintero, at marami pang iba.

Bukas din sila sa part-timers para sa ilang posisyon tulad ng cashier at warehouse assistant.

Nangangailangan naman ang British technology firm na Dyson ng 400 highly-skilled engineers para sa kanilang software lab na itatayo sa Muntinlupa.

Bahagi umano ito ng kanilang global research, design and development team.

Naniniwala si Dyson Chief Operating Officer Scott Maguire na tahanan ang Pilipinas ng mga magagaling na engineer at handa silang mamuhunan sa bansa para makakuha ng mga empleyadong Pinoy.

Sa website ng job portal na Trabahanap, nangunguna ang call center sa mga in-demand na trabaho, kung saan higit 19,000 ang bakanteng posisyon ngayon.

Higit 4,000 naman ang nangangailangan ng delivery driver at rider na puwedeng pasukan.

Pasok din sa Top 5 job demands ang sales person, construction worker, at factory o production worker.

Habang unti-unting nagbabalik-sigla ang ekonomiya, marami pang ibang bakanteng posisyon ang madadagdag sa portal, ani Daryl Tecson, product and operatinos head sa Trabahanap.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.