Pinalalaking beach forest trees, itatanim sa Bird Islet sa Tubbataha

Lynette dela Cruz. ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 05:54 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Nakatakdang dalhin sa Bird Islet sa Tubbataha sa Hunyo ng susunod na taon ang mga punong abok-abok at anuling upang payabungin para may madapuan ang mga ibon.

Pinalalaki na lamang ang daan-daang beach forest trees na itinanim na sa mga paso sa labas ng Tubbataha Management Office noong nakaraang buwan.

Ayon kay Angelique Songco, ang Park Superintendent ng Tubbataha, sa ngayon ay wala nang puno sa isla. Namatay ang mga puno dahil sa pagdami ng migratory birds na red-footed booby na dumadapo rito.

"Noong 2002, dumating ang tinatawag nating red-footed booby sa Tubbataha. So, bigla silang dumami at habang ang mga puno ay lumalaki dumating ang red-footed booby na nakatira sa puno. So, sa kanilang mga droppings namatay yung puno. Dalawa lang ang nakatira sa puno: red-footed at saka yung black noddy. All the others nakatira sa lupa," sabi ni Songco.

Apektado rin ang ibang species ng mga ibon na dumadapo sa puno gaya ng black noddy.

"Black Noddy, that is an internationally protected species. Kasi hindi na yan nahahanap sa buong mundo, diyan na lang. It's a sub species of black noddy, 2000 plus na lang, dati 8,000. 4 years ago 8000 yan," dagdag pa ni Songco.

Ang resulta, bumaba na ang populasyon ng migratory birds na naninirahan sa Bird Islet.

Sa datos ng Tubbataha Management Office, kung noong mga nakaraang taon ay mahigit 40,000 pa ang bilang ng mga ibon, ngayon ay nasa 34,000 na lang. Marami kasi ang mga ibon na umalis na sa isla.

Sinubukan na rin noon ng park rangers na magtanim ng mga puno pero agad ding namamatay dahil nadadapuan ng libu-libong red footed booby.

Kaya kapag naitanim na ang mga puno at malalaki na ay hindi ito basta masisira ng mga ibon.

"Galing yung red-footed booby sa ibang isla around the Sulu Sea. Kung maganda ang kalagayan nila doon, hindi sila aalis doon. So, umaalis sila siguro dahil they're escaping very difficult living condition. So yun ang aming panawagan, alagaan natin yung ibang isla because it affects us," sabi ni Songco.

Ngayon pa lang ay puspusan na nilang ginagawan ng paraan na may mabuhay pang puno sa isla dahil maaaring tuluyang mawala ang red footed booby at black noddy sa Bird Islet kapag wala nang punong madadapuan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.