Magat Dam nagpakawala ng tubig, mga residente binalaan sa posibleng pagbaha

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2020 11:04 AM

ABS-CBN News/File

Pinag-iingat ang mga residente sa ilang lugar sa hilagang Luzon sa posibleng pagbaha matapos na magpakawala ng tubig ang Magat Dam, na matatandaang isa sa mga dahilan ng matinding baha sa Cagayan at Isabela kamakailan.

Ayon sa National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), posible ang pagtaas ng tubig o pagbaha, partikular na sa mga bayan ng Gamu at Aurora sa Isabela, matapos magkasunod na magbukas ng 2 spillway gate ang dam.

Nitong Biyernes nang magbukas ang unang spillway gate ng Magat Dam kung saan pinakawalan ang nasa 393 cms ng sobrang tubig.
 
Isang gate naman ang binuksan alas-8 ng umaga ng Sabado para magpakawala ng nasa 179 cubic meters per second o katumbas sa 895 drums ng tubig.

Sa Notice of Dam Discharge Warning Operation ng NIA-MARIIS na ipinalabas alas-5 ng umaga ng Sabado, ang spillway radial gate number 3 ay nakabukas ng 1 metro.

Itinaas ito sa 2 metro alas-9 ng umaga para makapagpakalawa ng 393 cms o katumbas ng 1,965 drum ng tubig.

Sa kabuuan, aabot sa 786 cms o katumbas ng 3,930 drum ng tubig ang water discharge sa dam mula sa dalawang bukas na gate.

Hakbang ito ng NIA-MARIIS para maiwasang umabot sa peligro ang dam lalo't patuloy ang pagbaba ng tubig mula sa watershed areas na nakakaranas ng pag-ulan.

Alas-6 ng umaga ng Sabado nang maitalang nasa 189.2 meters above sea level ang tubig sa Magat Dam, halos apat na metro na lang ang agwat sa spilling level na 193 meters.

Base sa Hydrological forecast ng PAGASA Sabado ng umaga, nasa “above alert level” ang Upper Cagayan basin area, kasama ang tributaries ng Ganano at Magat, kung saan posible ang pagbaha.

Ang Magat River ay major tributary ng Cagayan River.

Ilang linggo lang ang nakararaan nang maranasan ang matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela matapos ang bagyong Ulysses. Ayon sa lokal na pamahalaan, ito na ang pinakamatinding pagbaha na naranasan sa loob ng 45 taon.

Itinurong dahilan ng mga lokal na opisyal ang pagbaba ng tubig sa Cagayan River mula sa mga karatig-lugar matapos ang ilang araw nang pag-ulan, ang siltation sa ilog, illegal logging, at ang pagbubukas ng mga gate ng Magat Dam.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC

- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News