Nagpahayag ng interes ang Croatia at Slovakia, dalawang bansa sa Europa, na kumuha ng mga Pinoy na manggagawa na pupuno sa mga trabaho sa kanilang hospitality industry.
Ayon sa Philippine Association of Service Exporters, Inc. (PASEI), dumarami na ang mga European country na nagbubukas ng pinto sa mga foreign worker gaya ng mga Pilipino.
"Though mga skilled ang mga tao nila doon, they are more in-demand in the neighboring areas and they are being given higher salary so nauubos 'yung tao nila kaya talagang kailangan nila at saka talagang kakaunti lang naman ang population doon. I mean like for example Croatia, they only have about 4 million plus people," paliwanag ni PASEI president Elsa Villa.
Sa turismo nakasentro ang ekonomiya ng mga bansang ito kaya pangunahing kailangan ang mga manggagawa para sa hospitality industry tulad ng sa mga hotel.
Tinatayang nasa US$800 hanggang US$1,000 ang starting salary at puwedeng mag-overtime hanggang apat na oras.
Ayon naman sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), wala pang bilateral labor agreement ang Pilipinas sa mga bansang ito pero pinapayagan naman ang deployment ng mga Pinoy worker.
"Isu-scrutinize po natin 'yung kanilang tinatawag na employment contracts... Dapat po 'yung minimum pay nandodoon, 'yung 8-hour work per day nandidiyan po dapat, 'yung overtime pay ng ating workers will be assured and then 'yung additional benefits," paniniguro ni POEA administrator Bernard Olalia.
Imo-monitor naman ng pamahalaan ang demand sa mga bansang ito dahil maaaring magbigay-daan sa bilateral talks ang pagdami ng mga job order.
Sa ngayon, 1,000 workers ang inisyal na kailangan ng Croatia at 600 naman sa Slovakia, ayon sa PASEI.
Paalala naman ng POEA, lahat ng mga trabahong alok ng mga recruitment agency ay dapat nakarehistro din sa kanilang website para maseguro na ito ay mga aprubadong job order.
—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, TV PATROL, Tagalog news, balita, trabaho, hanapbuhay, Europe, Europa, Croatia, Slovakia, PASEI, Philippine Association of Service Exporters Inc., hotel, hospitality industry, manggagawa, laborer, labor