Suplay ng NFA rice sa merkado, 'manipis' | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Suplay ng NFA rice sa merkado, 'manipis'

Suplay ng NFA rice sa merkado, 'manipis'

ABS-CBN News

 | 

Updated Nov 26, 2018 08:49 PM PHT

Clipboard

Mga sako ng NFA rice sa isang bodega sa Quezon City. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

Manipis ang suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa merkado ngayon, sabi ngayong Lunes ng pangulo ng isang grupo ng mga grain retailer.

Sa panayam ng radyo DZMM, sinabi ni James Magbanua, pangulo ng Grain Retailers Confederation of the Philippines (Grecon) na walang suplay ng NFA rice sa ibang outlet dahil ibinigay ang suplay sa mga "dedicated" na outlet.

Hindi raw nabigyan ang mga outlet na binuksan lang noong kasagsagan ng pagtaas ng presyo ng bigas.

"Manipis po iyong sitwasyon ngayon ng stock ng NFA, manipis 'yong stocking position nila," sabi ni Magbanua.

ADVERTISEMENT

Watch more in iWantv or TFC.tv

"Nai-program ho iyan doon sa mga, 'yong stocks nai-program sa mga dedicated outlet," dagdag ni Magbanua.

Samantala, wala nang tindang NFA rice sa ilang pamilihan sa Metro Manila gaya ng Muñoz Market sa Quezon City at Pasig Public Market, base sa pag-iikot.

Sa Dagupan, Pangasinan, itinigil din ang pagbenta ng NFA rice sa mga retailer.

Ayon sa sangay ng NFA sa western Pangasinan, itinigil nila ang pagbenta sa retailers dahil sa dami ng commercial at household rice stocks.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Prayoridad munang mabigyan ng bigas ang pamahalaang lokal, disaster risk reduction management office, at Bureau of Jail Management and Penology ng kanilang lugar.

Ayon naman sa NFA, dumating na ang 280,000 sako ng bigas mula Vietnam na inaasahang maipapamahagi sa mga pamilihan sa mga susunod na araw.

RICE TARIFFICATION, IPINROTESTA

Nagdaos din ng protesta nitong umaga ng Lunes sa labas ng Senado ang daan-daang empleyado ng NFA, rice traders, millers, at magsasaka.

Panawagan nilang ibasura ang Rice Tariffication Bill na nag-aalis sa mga mga hadlang sa pag-angkat ng bigas o ang tinatawag na quantitative restrictions para dumami ang suplay ng bigas sa bansa at bumaba ang presyo nito.

Inaalis kasi umano ng panukala ang regulatory powers o kapangyarihan ng NFA na mangasiwa sa bigas.

Maaari raw magtaasan ang presyo ng commercial rice dahil wala nang NFA rice para magpapapirmi sa presyo.

Nangangamba naman ang mga magsasaka na mawalan ng hanapbuhay lalo at papadaliin ng panukala ang pag-angkat ng bigas sa ibang bansa.

Ipinagtanggol naman ni Sen. Nancy Villar ang panukala at iginiit na mananatili ang pondo ng NFA pero lilimatahan ang pagbili nito ng bigas sa mga lokal na magsasaka.

Sa pamamagitan ng taripa na babayaran ng mga mag-aangkat ng bigas, sinasabing mabibigyan ng P10 bilyon kada taon ang mga magsasaka para sa mga kailangan nila.

Inaasahanang mararatipika ang panukala sa lalong madaling panahon bago pirmahan ng pangulo bilang ganap na batas.

Nakabinbin naman sa Senado ang P7 bilyon pondo ng NFA para sa 2019. --May ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.