"Partial justice" o hindi pa ganap na hustisya ang natatamo ng mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre, 13 taon mula mangyari ito.
Ito ang hinaing ng mga kamag-anak sa muling pagpunta nila sa memorial site sa bayan ng Ampatuan noong Linggo
Dalawang taon nila ito hindi nabisita dahil sa pandemic restrictions, kaya naabutan nilang napaligiran ng damo ang mga marker ng mga namatay.
Limampu’t walong tao ang pinatay sa massacre, mahigit kalahati ay mga tauhan ng media.
Ayon kay Grace Morales, na namatayan ng asawa at kapatid na nagtatrabaho noon sa diyaryo, nakabinbin pa rin sa Court of Appeals ang apela ng mga nahatulan na sa kaso noong 2019.
Dahil dito, hindi pa rin nila nakukuha ang danyos.
May apela rin sa korte ang kampo ng mga biktima na taasan sa kalahating milyong piso ang halaga ng danyos para sa bawat pamilya.
Pero ayon sa abogado ng pamilya ng 38 biktima na si Atty. Nena Santos, hindi rin maaasahan agad-agad matatapos ang review ng Court of Appeals lalo na't maraming umapela.
Nakaranas din ang mga anak ng ilang namatay na makatanggap ng mga mensahe na nagtuturo sa iba pa umanong sangkot sa pagpatay.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, may 83 pang at large na dawit sa massacre.
Kasama rin ang NUJP sa nagsagawa ng misa at programa sa massacre site noong Linggo.
Ngayong araw ng paggunita ng Maguindanao massacre, may mga aktibidad ang journalists’ group at mga mag-aaral sa iba-ibang bahagi ng bansa.
Dito sa Metro Manila, magsasagawa ng kilos-protesta mamayang alas-5 ng hapon sa University of the Philippines Diliman.
From the archives:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.