Maglola patay sa pananaksak sa Sultan Kudarat; suspek binugbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 07:38 AM

SULTAN KUDARAT—Patay ang isang maglola matapos silang saksakin ng kaanak sa bayan ng Tacurong, Sultan Kudarat.

Natagpuan ang mga bangkay nina Rosemary Escalona, 63 anyos, at apong si Raven, 10 anyos, sa bakanteng lote sa Purok San Jose, Barangay San Pablo Lunes ng umaga.

Patay rin matapos bugbugin ng mga kapitbahay ang suspek na kinilalang si Ernesto, anak ni Rosemary.

Ayon kay Police Cpl. Allrey Dasmariñas ng Tacurong police, lasing umanong umuwi ang suspek at nagkasagutan sa kaniyang ina.

Posibleng pinatay umano ni Ernesto ang maglola sa loob ng bahay Sabado ng gabi. 

Nagtamo ng 11 saksak sa katawan si Rosemary habang may saksak naman sa tiyan si Raven. 

Natagpuan ng mga kamag-anak ang mga bangkay matapos hindi nila makontak si Rosemary.

Kinausap pa ng mga kamag-anak si Ernesto na sumuko, pero nagwala umano ito at nagtangkang manaksak kaya kinuyog.

Isinugod sa ospital si Ernesto, pero binawian din ng buhay.

Kumbinsido ang pamilya na si Ernesto ang suspek sa krimen. Silang 3 lang din ang nakatira sa bahay.—Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.