Presyo ng ilang tinapay may P2 taas-presyo; consumer group umangal

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2018 01:12 PM | Updated as of Sep 01 2019 05:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinumpirma nitong Martes ng Department of Trade and Industry (DTI) na inaprubahan nila ang hirit na P2 taas-presyo sa mga branded na loaf bread at pandesal.

Ani DTI Consumer Protection Advocacy Bureau director Dominic Tolentino, dulot ito ng pagmahal ng harina, asukal, at ng foreign exchange rate.

Klinaro naman ni Tolentino na hindi kasama rito ang presyo ng pandesal at ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal. 

Ayon sa grupong PhilBaking, nasa 4 porsiyento ang itinaas sa presyo ng loaf bread dulot nito. 

Batay sa monitoring ng Sugar Regulatory Administration (SRA), naglalaro sa P54 hanggang P65 kada kilo ang bentahan ng asukal sa mga palengke at supermarket. 

Humirit rin ang SRA na itaas ng P55 kada kilo ang suggested retail price ng puting asukal, ngunit hindi ito pinapayagan ng DTI. 

Sa monitoring naman ng grupong Laban Konsyumer, P1 hanggang P3 ang iminahal ng branded na loaf bread at pakete ng pandesal. 

Giit ng presidente ng grupong Laban Konsyumer na si Atty. Vic Dimagiba, hindi sila naabisuhan ukol sa pagtaas at nagulat na lamang siya nang mapansin na ang dating P62 loaf bread ay P64 na sa pamilihan. 

Siniguro din daw kasi sa kanila ng wheat millers na walang magiging galaw sa presyo ng tinapay hanggang matapos ang 2018. 

"Bakit, nagtaas ba ang presyo ng harina? Nagtaas ba ang presyo ng trigo? Magkano? 'Yan ang kanilang commitment, ipaliwanag nila ang price increases," ani Dimagiba. 

Pero pinabulaanan ni Tolentino na naging "patago" ang pagpataw ng dagdag-presyo. 

"Alam naman nila (consumer groups) dati pa na magkakaroon ng kaunting pagtaas," ani Tolentino sa hiwalay na panayam. 

-- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News ​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.