'Yung iba nangangaroling': Ilang binaha sa Cagayan itinatawid ang gutom sa panlilimos | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Yung iba nangangaroling': Ilang binaha sa Cagayan itinatawid ang gutom sa panlilimos

'Yung iba nangangaroling': Ilang binaha sa Cagayan itinatawid ang gutom sa panlilimos

ABS-CBN News

 | 

Updated Nov 19, 2020 01:31 AM PHT

Clipboard

Isa sa makikita sa bayan ng Alcala sa Cagayan ang hilera ng mga nanlilimos ng ayuda sa tabi ng kalsada, ilang araw matapos tamaan ng matinding pagbaha ang lugar. ABS-CBN News

CAGAYAN - Isa sa makikita sa bayan ng Alcala sa probinsiyang ito ang hilera ng mga nanlilimos ng ayuda sa tabi ng highway sa mga nakalipas na araw matapos tamaan ng matinding pagbaha ang lugar.

Ilan sila sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha sa probinsiya, na nag-evacuate mula sa kanilang mga bahay, dala ang mga sinalbang gamit at nagtirik ng mga tent sa highway.

Nagtatakbuhan ang lahat tuwing may dadaan na ayuda.

Isa si Virginia Bilag sa mga kumakaripas ng takbo sa bawat senyas na mayroong dumaraan, sa pag-asang may mauuwing pantawid-gutom at uhaw.

ADVERTISEMENT

"'Yung ibang tao nangangaroling sa mga sasakyang dumaraan. Mahirap, sir, para kami pulubi kami dyan, sir, na nanghihingi ng tulong," ani Bilag, na nawalan ng bahay at pananim dahil sa baha.

Dalawang buwang buntis si Mica Bañez, pero kasama rin siya sa mga humabol. Tinangay ang kanilang bahay ng baha.

"Mahirap, sir, maiiyak ka, kailangan mo pigilan. Kapag nanaig iyak mo, di ka makakakuha ng rasyon, di ka kakain," ani Bañez.

Umaasa rin sa tulong si Magelin Llantoc sa kaniyang anak na nasa Maynila. Pero imbis na makauwi, ipinadala na lang niya ang perang pampamasahe sana, pero ilang araw lang ito kasya.

"Hindi naman po pamumulubi ito kasi tulong po ito 'di po ba? Ang hirap, sir, lalo na itong pandemya, walang trabaho," ani Llantoc.

Sabi ni Alcala Mayor Cristina Antonio na naiintindihan naman daw nila ang sitwasyon ng mga nasa highway pero gumagawa na raw sila ng mga hakbang.

Inaayos na rin anila nila ang cash-for-work program sa munisipyo.

"Pagdating sa relief... Nabigyan na lahat ng affected families. Ito 'yung first wave ng relief distribution," ani Antonio.

Nananawagan din ang alkalde na sa mga gustong tumulong na makipag-coordinate sa lokal na pamahalaan para maayos ang sistema.

"Nang sa gayun ay hindi maging kultura ng paghingi na makakasama dahil sa halip makatayo at makabangon ang mga Alcalenyos ay baka lalong malugmok sa ganitong sitwasyon," ani Antonio.

Sa ngayon, makakakain, tubig, damit, at hygiene kits ang kailangan sa Alcala.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.