Nakaburol na ang lalaking biktima ng pamamaril sa loob ng bus sa Carranglan, Nueva Ecija noong Miyerkoles ng tanghali.
Ayon sa tiyahin ng biktima, alas-7:30 Huwebes ng gabi nang iburol nila sa Bongabon, Nueva Ecija ang 55-anyos na biktima.
Kwento ng tiyahin, nagulat na lamang siya nang mapanood sa social media ang video ng pamamaril sa kanyang pamangkin.
"Nagulat ako, bakit kako ganoon nangyari kawawa naman pamangkin ko. Nag-iisip ako bakit kaya, ano kaya kasalanan niya. Pero alam ko wala siyang kagalit at wala siyang katalo eh," sabi ng tiyahin ng biktima.
Napatay ang lalaki at kaniyang 60-anyos live-in partner matapos pagbabarilin ng dalawang pasahero sa loob ng bumibiyaheng bus sa Nueva Ecija.
Hustisya ang hinihiling ng tiyahin ng lalaking biktima, na inilarawan niya bilang isang mapagmahal at mapagbigay na ama sa nag-iisang anak nito.
"Ang masasabi ko lang sana naman mabigyan ng hustisya ang nangyaring ito sa pamangkin ko. Napakasakit, bakit naman ganyan? Ano nangyari? Hindi tama yun, hindi naman maka-Diyos yun," dagdag niya.
Magtatagal ang burol hanggang Linggo habang hinihintay na makauwi mula sa Mindanao ang isa sa kapaitd ng biktima.
Nakatakdang i-cremate ang labi niya sa Lunes.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.