Coco inaming 'apektado' sa puna ng PNP chief sa 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2018 05:59 PM | Updated as of Nov 16 2018 09:48 PM

Pinanindigan ng aktor na si Coco Martin na walang intensiyon ang kaniyang seryeng "Ang Probinsyano" na bigyan ng masamang imahe ang kapulisan.

Sa panayam kay Martin nitong Huwebes, inamin nitong naapektuhan siya sa naging reaksiyon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde sa tinatakbong kuwento ng serye kung saan corrupt o tiwali ang hepe ng pulisya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Honestly affected ako kasi hindi ko inaasahan na magkakaroon ng ganito," giit niya.

Kuwento ni Martin, naging katuwang nila sa pagbuo ng serye ang liderato ng PNP sa ilalim ni dating PNP chief Ronald "Bato" Dela Rosa kaya wala sa intensiyon nilang yurakan ang kapulisan. 

"Sabi ko nga sa simula’t simula eh sila 'yung gumabay, sumuporta sa amin sa pagbuo ng Probinsyano. Siguro nagkataon lang na hindi nagkaroon ng pag-uusap, lalo na’t tatlong taon mahigit nang tumatakbo [ang serye], so siyempre nag-iiba [ang kuwento]," paliwanag niya. 

Dagdag ni Martin, malapit sa puso niya ang kapulisan at katunayan ay pulis din ang role niya sa kaniyang upcoming Metro Manila Film Festival entry kasama si Vic Sotto.
    
Kaya hiling niya, sana magkausap sila ni Albayalde para maplantsa ang anumang gusot.

"Kay PNP chief, sana magakaroon kami ng pagkakataon na makapag-usap kami at makapagtulungan para sa ikaaayos ng lahat."

Nauna nang humingi si Albayalde ng dayalogo sa team ng teleserye.

—Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.