PatrolPH

Ilang barangay sa Maynila, higit isang araw nang walang tubig, kuryente

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2020 06:11 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Doble ang hirap ngayon ng mga residente sa ilang barangay sa lungsod ng Maynila dahil sabay pang nawalan ng tubig at kuryente matapos ang pananalasa ng bagyong Ulysses.

Sa Barangay 373 sa Sta.Cruz ay may mga residente sa labas ng kanilang bahay dahil wala pa ring suplay ng kuryente.

Magdadalawampu’t walong oras nang walang suplay ng kuryente sa lugar matapos bumigay at matumba sa mga kawad ng kuryente sa barangay dahil sa lakas ng hangin at ulan.

Pansin ng mga residente na kinakalawang na rin talaga ang poste kaya posibleng bumigay na ito noong kasagsagan ng bagyo.

Todo paypay ngayon ang mga residente dahil may mga kasama silang bata na nahihirapang makatulog dahil init at dilim.

Hindi rin kasi sila nakaligo mula kahapon dahil nawalan na rin ng suplay ng tubig ang Maynilad sa lugar at ilan pang mga barangay sa Maynila.

Paliwanag ng Maynilad, mababa ang pressure ng tubig hanggang sa walang suplay dahil sa turbidity ng tubig mula sa Ipo Dam.

Hindi malinaw ang water supply ngayon na pumapasok sa mga water treatment facility at apektado ang water quality.

Dahil dito, nagbawas ng volume ng tubig ang Maynilad para masigurong maayos ang kalidad ng tubig na makararating sa mga bahay-bahay.

Para sa ilang barangay sa Maynila kabilang na ang Barangay 373, alas 7 ng umaga Biyernes ay inaasahang maibabalik na ang suplay ng tubig.

Nagtitiyaga muna ang mga residente na mag-igib sa poso para may panlinis at panligo lalo’t importante ang kalinisan ngayong panahon pa rin ng pandemiya.

Dagdag-gastos din sa kanila ang pagbili ng mineral water para may tibog na pang

May mga contractor na rin ng Meralco sa lugar na nag-aayos ng natumbang poste. Umaasa naman ang mga residente na maayos na ang problema sa suplay ng tubig at kuryente ngayong araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.