Mga kamag-anak ni Sinas sa Butuan, ikinagalak ang kaniyang promotion

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2020 06:56 PM

BUTUAN CITY - Ikinagalak ng mga kamag-anak ni Maj. Gen. Debold Sinas ang kaniyang promotion bilang bagong hepe ng Philippine National Police.

Sa Barangay Datu Silongan sa Butuan City lumaki si Sinas, na ipinanganak noong Mayo 8, 1965.

Ayon sa pinsan nitong si Ernesto Sinas, sa Butuan Central Elementary School nag-aral ng elementarya ang opisyal, at sa Urios College (Father Saturnino Urios University na ngayon) naman ito nag-high school.

Hindi niya nakumpleto ang kaniyang pag-aaral sa Butuan dahil lumipat ang pamilya niya sa Zamboanga City.

“Diri siya nag-high school sa Urios. Pagka-promote sa iyang papa, Kapitan o Lieutenant, move sila sa Zamboanga City kay didto naman na-assign iyang amahan. Gidala iyang pamilya," kuwento ni Ernesto.

(Dito siya nag-high school sa Urios. At noong na-promote ang kanyang ama pagka-kapitan o lieutenant, lumipat na sila ng Zamboanga City dahil doon na na destino ang kaniyang ama.)

Ang amang sundalo ang nagkumbinse kay Sinas na mag-aral sa Philippine Military Academy.

Nagtapos si Sinas sa PMA taong 1987 bilang bahagi ng Hinirang Class.

Ngayong Martes ang unang araw ni Sinas bilang bagong hepe ng PNP.

Ayon sa kaniyang mga kamag-anak sa Butuan, ipinagmamalaki nila ang naabot ni Sinas ngayon.

Watch more in iWantTFC

- ulat ni Charmane Awitan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.