PatrolPH

SAPUL SA CCTV: Watch repair stall sa QC nilooban

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2020 01:19 PM

SAPUL SA CCTV: Watch repair stall sa QC nilooban 1
Nilooban ng grupo ng hinihinalang mga kabataanang isang pagawaan ng relo sa Barangay Sauyo, Quezon City.

MAYNILA — Nilooban ng grupo ng mga kawatan ang isang puwesto ng pagawaan ng relo sa Quezon City.

Nasa P40,000 ang halaga ng mga relong nawala sa biktimang si "Abel" nang matuklasan niyang nabaklas ang bahagi ng bakod na nakapaligid sa kaniyang stall sa Barangay Sauyo.

Bandang alas-2 ng madaling araw noong Oktubre 29, nakuhanan ng CCTV na pabalik-balik ang grupo ng 5 lalaki para sipatin ang puwesto ni "Abel" sa Don Julio Gregorio Street.

Tumakbo ang mga lalaki matapos masungkit ang mga nakasampay na damit sa katabing ukay-ukay.

Watch more on iWantTFC

Gamit ang payong, nagsilbing lookout ang ilan sa mga lalaki habang gumagapang na pala ang isa sa binaklas na parte ng stall.

Umalis ang iba at bumalik maya-maya para bitbitin ang mga ninakaw ng kasamahan, base sa kuha ng CCTV.

Pang-apat na beses na raw itong nangyari kay "Abel" sa 5 taong nakatayo ang repair shop.

Pinalagyan ni "Abel" ng bakod ang puwesto niya dati matapos manakawan noong 2015 pero naulit ito ng 2017.

Ayon kay "Abel," posibleng isang grupo lang ang nasa likod ng nakawan.

Itinuro ng isang taga-Barangay Bagbag, karatig-barangay ng Sauyo, ang ilan sa mga lalaki sa kuha ng CCTV.

Dinala ang mga suspek sa Barangay Sauyo at Bagbag pero pinauwi rin at pina-blotter ang pangyayari.

Ayon kay "Abel," binantaan siya ng magulang ng isa sa mga binatilyo.

"Balewala na lang sana 'yon, 'yong manakawan, nawala o ano. 'Yong babalikan ng tatay, ako pa 'yong ipakukulong daw niya. Hindi daw napatunayan, 'yon ang gusto niyang palabasin," ani "Abel."

Kahit nag-alok ang mga tauhan ng Barangay Bagbag na tulungan si "Abel" sa pagsampa ng kaso, pinili niyang huwag na itong ituloy.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.