BATO, Catanduanes — Hindi pa man tapos ang pagkukumpuni ng mga tahanan na nawasak ng bagyong Quinta at Rolly, muli na namang naghahanda ang mga taga-Catanduanes para sa paparating na bagyong Ulysses.
Ang Bato Rural Development High School, halos wala nang natira dahil sa magkasunod na bagyo. Dati itong ginagawang evacuation center pero sa ngayon ay hindi na rin muna mapakikinabangan.
Ang bahay ni Shirley Tapel, trapal lang ang naiwan kaya paulit-ulit nilang itinatali ito para magsilbing bubungan.
Nilipad ng bagyong Quinta ang bubong nila, sinira naman nang tuluyan ng super typhoon Rolly ang dingding nila, at ang bagyong Tonyo ay binasa ang lahat ng gamit nila.
"Kaya nga po nakakalungkot na talaga ang kalagayan namin. Kasi wala na po kaming bahay. Heto lang po nag-aano lang po kami ng mga tolda. Noong isang gabi, malakas ang hangin, nawala yung tolda," ani Tapel.
Hindi na niya nila alam kung paano pa maghahanda para sa paparating na bagyong Ulysses.
"Pag naiisip ko talaga, kapag ako lang mag-isa, naiiyak ako… Pagod na pagod na talaga... 'Iimpake na naman kung saan kami lilipat. Mula nung binuhay ako ngayon lang ako nakaranas ng ganito," kuwento pa ni Tapel.
Sa harap lang ng Bote Integrated School sa Bato ang bahay ni Tapel.
Isa ang bahay niya sa 172 na nasira sa Barangay Bote. Labing-anim lang ang natirang bahay sa kanilang lugar.
Pero maging ang paaralan na dapat sana’y evacuation center, pinadapa rin ng magkakasunod na bagyo. Basa ang mga module, sira ang mga printer.
Suspendido pa rin ang klase sa Catanduanes hangga’t walang kuryente. Pero hindi lang ito ang hamon sa edukasyon.
"Ang mga modules ay nasira hindi na magkakaroon ng distance learning although suspended ang klase… Kahit ma-restore pa natin ang electricity, ang mga bahay ng kabataan ay sira. Yun ang pinakahamon at pinaka-challenge," sabi ni Danilo Despi, schools division superintendent ng Department of Education-Catanduanes.
Sa buong Catanduanes, nasa 78 na paaralan ang nagtamo ng matinding pinsala o tinayang nasa 557 na classroom.
Maaari pang lumaki ang bilang na ito kapag nagkaroon na ng maayos na signal sa isla.
—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV Patrol, TV PATROL TOP, bagyong Rolly, Rolly, Bicol, region, regional, regional news, RNG, Catanduanes, Bato, Bicol region, panahon, weather, bayong Quinta, bagyong Ulysses