PatrolPH

Nagpakilalang SexBomb dancer, timbog sa Cavite buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2018 05:48 PM | Updated as of Nov 06 2018 09:15 PM

Watch more on iWantTFC

Naaresto noong gabi ng Lunes sa isang buy-bust operation sa lungsod ng Trece Martires sa Cavite ang isang babaeng target na si Ivy Eboña.

Nagpakilala pang dating miyembro ng grupong SexBomb si Eboña pero itinanggi ng mga lehitimong miyembro nito na kasamahan nila ang drug suspect.

Ayon kay Senior Superintendent William Segun, hepe ng Cavite police, matagal na raw nilang binabantayan ang suspek.

Istilo raw ni Eboña ang pagkuha ng mga bayad sa droga sa mga money remittance center kaya hindi ito agad natitimbog.

Nakuha kay Eboña ang drogang nagkakahalagang aabot sa P10,000.

Hunyo 2017 nang maaresto ang mister ng suspek na si Sean Eboña kaya si Ivy raw ang nagpatuloy sa pagbebenta ng droga.

Kinasuhan na si Eboña ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. -- Ulat nina Jerome Lantin at Marc Logan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.