PatrolPH

Curfew sa Metro Manila aalisin simula Nobyembre 4

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2021 04:16 PM | Updated as of Nov 03 2021 06:53 PM

Watch more on iWantTFC

Wala nang curfew sa Metro Manila simula Huwebes, Nobyembre 4, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Pirmado na ng 17 mayor sa Metro Manila ang resolusyong nagtatanggal sa curfew hours, na nagsisimula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw, dagdag ng ahensya. 

Pero sa kabila nito, may kani-kaniyang ordinansa pa rin ang ilang local government unit (LGU) sa Kamaynilaan tungkol sa curfew ng mga menor de edad.

Sa San Juan, bagaman susunod ang lungsod sa pag-alis ng curfew hours, limitado pa rin naman ang maaaring puntahan ng mga kabataang may edad 18 pababa, ani Mayor Francis Zamora.

"Wala naman kaming separate curfew for minors.. Pero tandaan po natin, ang IATF (Inter-Agency Task Force) ay mayroong panuntunan kung saan lang puwedeng pumunta ang mga minor," ani Zamora.

Nagpaalala si Zamora na kapag nahuling lumalabag ang mga menor de edad, mga magulang o guardian ng mga ito ang mananagot.

Sa Navotas, ipaparebisa naman ni Mayor Toby Tiangco ang curfew ordinance sa mga kabataan.

Matagal na aniyang may curfew sa lungsod kaya pinag-iisipan ng LGU ang angkop na multa at parusa dito.

Sa Quezon City, tuloy din ang curfew sa mga menor de edad mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, ani Mayor Joy Belmonte.

Parehong oras din ang curfew ng mga may edad 17 pababa sa Mandaluyong.

Tuloy din ang pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad sa Makati City.

Sa Muntinlupa, bawal ding lumabas ang mga menor de edad mula hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Sa Valenzuela, gagawa ng panuntunan si Mayor Rex Gatchalian para sa curfew ng mga menor de edad.

Inalis umano ang curfew sa Metro Manila bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga tao at sasakyan sa mga pangunahing kalsada ngayong papasok na ang Christmas season.

Simula Nobyembre 15, adjusted na rin ang mall hours sa Kamaynilaan. Magbubukas ang mga ito alas-11 ng umaga at magsasara ng alas-11 ng gabi.

Maghihigpit din umano ang MMDA sa mga mall-wide sale, na ipinagbabawal mula Lunes hanggang Biyernes.

— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.