PDEA agent, timbog sa buy-bust operation sa Rizal

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 05:55 AM

MAYNILA - Inaresto ang isang kinilalang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) na nahuling nagbebenta ng droga sa buy-bust sa Antipolo, Rizal Linggo ng hapon. 

Sa report ng PNP Region IV-A, kasagsagan ng pagtama ng bagyong Rolly sa Southern Luzon nang isagawa ang operasyon laban sa 45-anyos na si Florence Dolatre Jr. ng mga taga-Regional Drug Enforcement Unit, PDEA 4-A at lokal na pulis. 

Nakipagkita sa kanya ang nagpanggap na buyer sa Circumferential Road sa Bgy. San Roque. 

Nahulihan siya ng nasa 2 kilo ng pinatuyong marijuana na nakabalot ng packaging tape at tinatayang nasa P240,000 ang halaga. 

Nakuhaan ng iba-ibang ID si Dolatre, kabilang ang mga ID niya bilang intelligence officer sa PDEA. 

Ayon sa pulisya, kabilang siya sa Laguna team ng PDEA. 

Nasa kustodiya siya ng Antipolo Police at isinailalim sa inquest proceedings noong Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.