Mga pampublikong paaralan balik-full face-to-face classes na | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga pampublikong paaralan balik-full face-to-face classes na

Mga pampublikong paaralan balik-full face-to-face classes na

ABS-CBN News

 | 

Updated Nov 02, 2022 08:12 PM PHT

Clipboard

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Umarangkada ngayong Miyerkoles ang pagpapatupad ng mandatory na full face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan matapos ang 2 taon ng distance at blended learning bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sa National Capital Region (NCR), 94 porsiyento ng kabuuang 827 pampublikong paaralan sa rehiyon ang nagpapatupad na ng 5 araw na face-to-face classes, ayon kay Department of Education (DepEd) Spokesperson Michael Poa.

Ayon kay Poa, patuloy na binabantayan ng DepEd ang situwasyon sa iba pang rehiyon.

"Sa ngayon po, maayos naman po ang resumption ng ating classes so far," sabi ni Poa.

ADVERTISEMENT

"Naghihintay rin po kami ng feedback from our regional directors, para po kung may challenges encountered man ay matugunan agad," dagdag niya.

Ayon kay Poa, bago pa ang utos para sa November 2 na mandatory full face-to-face classes, maraming paaralan na sa bansa ang nagpatupad ng in-person classes kasabay ng pagsisimula ng school year noong Agosto.

Pinapayagan namang magpatuloy sa distance o blended learning ang mga pribadong paaralan.

Nauna nang sinabi ng DepEd na papayagan ding i-exempt sa full face-to-face classes ang ilang public schools, gaya ng mga naapektuhan ng mga bagyo at lindol kamakailan.

Kasama rito ang mga eskuwelahang hinagupit ng Bagyong Paeng, na balik-modular learning, ayon kay Poa.

Ayon din kay Poa, nasa pagpapasya ng mga DepEd regional director kung ie-exempt ang public schools at papayagan silang makapag-blended learning pa rin.

Sa NCR, halimbawa, may 50 paaralan umanong exempted na kumakatawan sa 6 porsiyento ng kabuuang bilang ng public schools sa rehiyon.

Ayon kay DepEd NCR Regional Director Wilfredo Cabral, patungo na rin sa full in-person classes ang mga paaralan at kailangan lang resolbahin ang ilang isyu tulad ng pagpapatayo ng mga karagdagang gusali.

FACE MASKS

Kaugnay naman sa pagsusuot ng face mask sa loob ng mga gusali ng eskuwelahan, sinabi ni Poa na susundin nila ang Executive Order No. 7 na pumapayag sa boluntaryong pagfe-face mask sa indoor spaces gaya ng mga silid-aralan.

Pero aminado si Poa na sanay na ring mag-face mask ang mga estudyante at guro, batay sa pag-iikot sa mga paaralan ngayong umaga ng Miyerkoles.

Iginiit ni Poa na magpapatupad naman ng shifting schedule ang mga eskuwelahan para matiyak na ligtas ang mga estudyante sa harap ng bagong polisiya.

Partikular umano itong ipatutupad sa NCR at Calabarzon, kung saan siksikan ang mga classroom.

Nakatakdang maglabas ang DepEd ng amendatory department order kaugnay sa voluntary face mask sa mga paaralan.

Sa Central Visayas, handa rin ang mga paaralan na bumalik sa full-face-to-face classes ngayong Miyerkoles, ayon kay regional director Salustiano Jimenez.

Inaasahang higit 3,775 paaralan ang magpapatupad ng full-face-to-face classes, ani Jimenez.

Pero kailangan pa rin umanong magkaroon ng shifting sa ilang paaralan na kulang sa classroom.

"Because of Odette, some [classrooms] still have to be repaired," ani Jimenez.

— Ulat nina Joyce Balancio at Arra Perez, ABS-CBN News at Annie Perez

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.