Sampung paaralan sa Quezon City ang mananatili muna sa blended learning bunsod ng kakulangan ng silid-aralan, sabi ngayong Miyerkoles ng opisyal.
Ngayong Miyerkoles din kasi ang simula ang mandatory full face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa pero pinapayagan naman ang ilang exemption.
Pero ayon kay Jenny Corpuz, schools division chief sa Quezon City, 10 sa 158 eskuwelahan sa lungsod ang hindi makabalik sa tradisyonal na porma ng pagtuturo.
"May delivery pa rin sila kahit 100-percent face-to-face [classses]. Ten out of 158 [schools]," ani Corpuz.
Kasama umano rito ang:
1. Justice Cecilia Munoz Palma High School
2. Bagong Silangan High School
3. Batasan High School
4. Balara High School
5. San Bartolome High School
6. Novaliches High School
7. Dona Rosario High School
8. Ismael Mathay Senior High School
9. New Era High School
10. Emilio Jacinto High School
"Kulang classrooms sa mga schools na nabanggit kaya they have to resort to blended learning," ani Corpuz.
Hindi naman umano mahihirapan sa blended learning ang mga estudyante dahil may ipinamigay na tablet ang lokal na pamahalaan.
Hinikayat din ni Corpuz ang mga mag-aaral na patuloy na magsuot ng face mask sa kabila ng pagpayag ng Department of Education na gawing optional ang pagsusuot nito sa mga eskuwelahan, alinsunod sa Executive Order No. 7.
Nauna nang sinabi ng DepEd na 94 porsiyento ng mga paaralan sa National Capital Region ang nakapagpatupad ng full face-to-face classes ngayong Miyerkoles.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.