Dahil sa naiwang sinaing: 2 bata patay sa sunog sa Puerto Princesa

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 05:59 PM

Nagsaing umano ang 11 taong gulang na bata gamit ang uling ngunit nakatulog ito kaya napabayaan. ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY - Dalawang bata ang namatay sa sunog sa Barangay Santa Lourdes sa lungsod na ito Sabado.

Base sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Erwin Odesta.

Nagsaing umano ang 11 taong gulang na anak ni Odesta gamit ang uling ngunit nakatulog ito kaya napabayaan.

Napansin ito ng pitong taong gulang na kapatid at sinubukang buhusan ng tubig ang apoy pero mas lumaki pa umano ito.

Kasama rin nila sa bahay ang isang 1 anyos na sanggol.

Wala naman sa bahay ang mga magulang ng dalawang bata.

Ayon pa sa BFP, hindi na umano nakalabas ng bahay ang 11 taong gulang na batang lalaki at ang sanggol.

Tatlong bahay na ang natupok ng apoy nang dumating ang mga bumbero dahil hindi kaagad naitawag ang sunog.

Apat na pamilya ang naapektuhan ng sunog at aabot sa P40,000 ang kabuuang pinsalang dinulot nito.

Pansamantalang kinordonan ng mga awtoridad ang lugar habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Di umano ay may tambak pa na krudo sa bahay kung saan hinihinalang nagmula ang apoy.

Paalala naman nila sa mga magulang na huwag iiwan ang mga anak sa bahay na walang kasamang matanda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.