PatrolPH

Mayor sa Misamis Occidental, inaresto dahil sa umano'y pambubugbog sa masahista

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 10:34 PM

Inaresto sa loob ng Mactan Cebu International Airport si Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro nitong Huwebes ng hapon.

Inireklamo si Navarro ng pambubugbog sa isang lalaking masahista sa Cebu City, Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa hepe ng Cebu City Police Station 2 na si Police Major Eduard Sanchez, pumunta sa loob ng massage spa si Navarro at nag-request ng babaeng masahista.

Walang naibigay na babaeng masahista ang massage spa at lalaki na lang ang kanilang available na masahista.

Ayon sa pulisya, nagalit si Navarro at binugbog ang lalaking masahista.

Kasama sa tinutukoy ng pulisya kung lasing si Navarro noong nangyari ang insidente.

Ayon kay Navarro, binastos siya ng masahista kaya nabugbog niya ito.

Pero sa CCTV footage na ibinigay ng pulisya, makikita si Navarro na binubugbog ang masahista.

Sasampahan ng kasong acts of lasciviousness at physical injury si Navarro ngayong Biyernes.

Tutukuyin din ng pulisya kung bakit nagpunta ng Cebu City si Navarro. Magsasagawa rin ng profiling ang pulisya sa alkalde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.