PatrolPH

Libing ni Baby River pinalibutan ng jail guards; aktibistang ina nakaposas

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2020 02:48 PM | Updated as of Oct 16 2020 08:48 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Imbes na taimtim na seremonya, isang tensyonadong eksena ang nangyari sa libing ni baby River—ang anak ng aktibista at political prisoner na si Reina Mae Nasino—sa Manila North Cemetery nitong Biyenes. 

Sa mga retrato at video ng libing na nakuha ng ABS-CBN News, kita ang maraming jail guards ng Bureau of Jail Management and Penology na naka-camouflage at may mga armas pa na pinalilibutan ang kabaong ni Baby River. 

Maaalalang sinabi ng pamilya Nasino at kanilang mga abogado na gusto nilang maging "pribado" sana ang paghimlay kay River, taliwas sa anila'y "overkill" at mala-batalyong bilang ng awtoridad na nagbantay sa lamay noong Miyerkoles. 

Watch more on iWantTFC

Ayon sa grupong Karapatan, na may kinatawan na kasama sa libing, nagmakaawa ang ina ni Nasino para tanggalin ang posas nito sa gitna ng libing pero hindi ito pinagbigyan.

Sa ilang retrato, kitang nahihirapan si Nasino sa pagpunas ng kaniyang luha dahil bukod sa posas ay nakasuot pa ito ng full PPE.

Sa huli ay umawit ang mga nakikipaglibing ng "Bayan Ko."

Maaalalang imbes na 3 sunod-sunod na araw ang furlough o pansamantalang paglabas sa kulungan ni Nasino, iniksian ito ng korte sa 6 na oras sa 2 araw dahil sa hiling ng Manila City Jail.

Nobyembre 2019 nang mahuli si Nasino sa Tondo, Maynila— bahagi ng umano'y crackdown sa mga makakaliwa. Kinasuhan siya ng illegal possession of firearms and explosives.

Hanggang ngayon, iginigiit ni Nasino na inosente siya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.