Nagpakilalang pulis, 'nag-amok,' patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2018 03:41 PM | Updated as of Oct 15 2018 09:05 PM

Watch more in iWantTFC

Napatay ng pulisya sa Meycauayan, Bulacan ang isang lalaking nagpakilalang pulis matapos mauwi sa engkuwentro ang dapat sana ay paghuli nila rito dahil sa pag-aamok.

Ayon kay Superintendent Santos Mera, hepe ng Meycauayan police, nakatanggap sila noong Biyernes ng reklamo mula sa mga residente ng Barangay Bahay Pare ukol sa umano ay panggugulo ng suspek na si Michael Carlo Aguilar o alyas "Dolmar." 

Pinasusuko raw ng mga rumespondeng pulis si Aguilar pero nagpatuloy ito sa pagpapaputok ng baril kaya dumepensa ang mga pulis at nasawi ang suspek. 

"Mayroon daw isang nagpapakilalang pulis doon at naka-bullet[proof] vest at mayroong baril na dala-dala, at nagpapaputok," ani Mera.

"Habang pinapasuko siya, patuloy pa rin ang putok so wala naman kaming magawa."

Nang humupa ang putukan at bumulagta ang suspek, nakuha sa kaniya ang apat na sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre .45 na baril.

Pinaniniwalaang nagtutulak din umano ng droga si Aguilar, na kasamahan umano ng tatlong nahuli ng Meycauayan police sa isang buy-bust operation ilang oras bago siya ireklamo.

Pinaiimbestigahan ng Meycauayan police kung paano nagkaroon ang suspek ng bulletproof vest, na dapat ay ibinibigay lang daw sa mga pulis. -- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.