ALAMIN: Guidelines sa ilalim ng Alert Level 3 na ipatutupad sa NCR | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Guidelines sa ilalim ng Alert Level 3 na ipatutupad sa NCR

ALAMIN: Guidelines sa ilalim ng Alert Level 3 na ipatutupad sa NCR

ABS-CBN News

 | 

Updated Oct 14, 2021 06:58 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Matapos ang isang buwan, ibababa na sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR) simula Sabado, Oktubre 16.

Ito'y matapos umanong makita ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na gumaganda na ang sitwasyon ng COVID-19 sa buong Kamaynilaan pati ang pagtaas ng vaccination rate.

"Dahil nasa moderate ang [health care utilization rate] at moderate din ang ating 2-week attack rate at daily attack rate ay pupuwede na ngang mababa sa Level 3 ang alert level sa Metro Manila," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sa ilalim ng Alert Level 3, papayagan ang pagbiyahe sa loob at labas ng Metro Manila pero alinsunod pa rin sa ipinatutupad na restrictions ng mga destinasyong local government unit (LGU).

ADVERTISEMENT

"Going to the provinces, you would need to check with your LGU what the requirements are," ani Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya.

Tataas din ang papayagang kapasidad ng mga negosyo sa ilalim ng Alert Level 3, na aabot sa hanggang 30 porsiyentong indoor venue capacity, pero para lang ito sa mga nakakumpleto na ng kanilang mga bakuna.

Kalahati o 50 porsiyento naman ang outdoor venue capacity, bakunado man o hindi.

Pasok dito ang mga meeting, conference at exhibition at mga pinayagang venue para sa mga social event gaya ng party, wedding reception at birthday.

Kasama rin dito ang mga tourist attraction gaya ng mga library, museum, exhibit, parke, plaza o garden, mga amusement o theme park, at mga recreational venue gaya ng mga internet cafe, bilyaran, skating rink, swimming pool at sinehan.

Sakop din pati ang pagsasagawa ng mga licensure, entrance o qualifying examination.

Pinapayagan na rin sa parehong kapasidad ang mga sumusunod:

  • Religious gathering, kasama ang mga lamay at libing ng mga hindi namatay dahil sa COVID-19
  • Mga dine-in service
  • Personal care establishments gaya ng mga barbershop, hair salon at nail spa
  • Aesthetic at cosmetic services gaya ng spa
  • Mga fitness studio, gym at venue para sa mga individual at non-contact sports

Pinapayagan na rin ang mga film, music at TV production, alinsunod sa guidelines na ilalabas ng mga ahensiya.

Samantala, bawal pa rin sa Alert Level 3 ang:

  • Face-to-face classes para sa basic education
  • Mga contact sport maliban sa mga pinayagan sa bubble setup
  • Mga peryahan, playground at kiddie ride
  • Karaoke, bar, club, concert hall at teatro
  • Mga casino, karera ng kabayo, sabong, lottery at betting shops maliban na lang sa mga pinaygaan ng IATF o presidente
  • Salu-salo o pagtitipon sa mga kabahayan ng mga inidbidwal na mula sa magkakaibang bahay

Suportado naman ng World Health Organization ang pagbaba ng Metro Manila sa Alert Level 3.

Importante umano na mag-ingat sa pagbalanse ng muling pagbubukas ng ekonomiya at patuloy na banta ng COVID-19.

Samantala, sinabi ng Palasyo na muling rerebisahin ng IATF ang listahan ng mga bansang kasama sa "green list."

Ito'y matapos magdesisyon ang IATF na tanggalin na ang facility-based quarantine sa mga fully vaccinated na pasahero mula sa mga bansang itinuturing na low risk sa COVID-19, basta may maipakitang negatibong RT-PCR test.

Hanggang Oktubre 15 lang kasi epektibo ang listahan.

"Kakaunti lang po talaga ang mga Pilipino na nanggagaling dito sa mga green list countries," ani Roque.

"Saka wala naman pong permanent na resolution tayo. Kung mayroon talagang tumaas na mga kaso sa mga bansang green list, pupuwede naman pong repasuhin ang polisiya," dagdag ni Roque.

Sinabi ito ni Roque matapos umalma si Health Secretary Francisco Duque III sa desisyon ng IATF dahil hindi umano sila kinonsulta para rito.

Ayon kay Duque, kaya ng ibang bansang magpapasok ng mga bakunado nang walang mandatory quarantine dahil nasa 70 porsiyento ng kanilang populasyon ang bakunado na, kompara sa Pilipinas na 30 porsiyento pa lang ang natuturukan.

Tatalakayin umano ng mga opisyal sa pulong ng IATF nitong hapon ng Huwebes ang isyu.

— Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.