Patay ang isang detainee matapos siya barilin sa loob ng isang municipal circuit trial court sa bayan ng Malalag, Davao del Sur, Huwebes ng umaga
Ayon sa duty investigator na si Police SMSgt. Gershon Guerrero, nakaupo lang sa hagdan ng korte ang detainee na si Alex Apostadero habang naghihintay sa kanyang naka-schedule na arraignment at pre-trial.
Bigla na lang umanong dumating ang isang hindi pa nakikilalang armadong gunman at binaril si Apostadero. Agad nakatakas ang salarin matapos ang krimen.
Isinugod ang biktima sa Davao del Sur Provincial Hospital sa Digos City matapos tamaan sa bandang dibdib, pero patay na siya nang dumating sa ospital.
Ayon sa pulisya, caliber .45 na baril ang gamit ng salarin batay sa basyo ng bala. Hindi naman nakilala ang gunman sa kabila ng presensya ng mga pulis at gwardya sa lugar.
Ayon sa Malalag PNP, nahaharap sana sa kasong attempted robbery, rape, at theft si Apostadero.
Personal na galit ang tinitingnang motibo ng pulisya. — Ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.