PatrolPH

Dating vice mayor sa Samar patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2022 08:43 PM

Patay sa pamamaril ang isang dating vice mayor ng Calbiga, Samar na si Miguel "Bong" Abaigar Jr., 54, nitong Biyernes ng umaga.

Sa impormasyon mula sa PNP Eastern Visayas, nagbibesikleta pasado alas-6 ng umaga sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Timbangan so Abaigar nang mangyari ang pamamaril.

Sakay ng motorsiklo at nakasunod sa biktima ang salarin at pagdating sa lugar, pinaputukan ang dating bise alkalde.

Tinamaan sa likod na bahagi ng katawan ang biktima na siyang agad ikinamatay nito.

Sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad, nahuli umano ang isang suspek sa pamamaril. Ang suspek ay isang dating sundalo at sakay ito sa isang motorsiklo nang dumaan sa isang checkpoint sa Paranas, Samar.

Ang suspek ay itinuro ng ilang witness sa pamamaril. Nakunan din sa CCTV sa lugar ang nangyaring krimen.

Nakuha sa suspek ang isang caliber .45 pistol at nasa kustodiya na ito ngayon sa Calbiga PNP.

Patuloy na inaaalam ng mga awtotidad ang motibo sa pamamaril.

Nagsilbi ding bilang konsehal ng bayan ng Calbiga si Abaigar at tumakbong mayor noong 2019 pero hindi pinalad.

Inihahanda na ang isasampang kaso laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.