PatrolPH

Kaso ng diarrhea sa mga Dumagat na taga-Tanay, patuloy na tumataas

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2022 12:50 PM

Tumaas pa ang bilang ng mga nagka-diarrhea sa mga katutubong Dumagat sa Tanay, Rizal. Retrato mula sa Tanay Municipal Health Office
Tumaas pa ang bilang ng mga nagka-diarrhea sa mga katutubong Dumagat sa Tanay, Rizal. Retrato mula sa Tanay Municipal Health Office

Tumaas pa ngayong Martes ang bilang ng mga tinamaan ng diarrhea sa mga katutubong Dumagat sa bayan ng Tanay, Rizal.

Ayon kay Tanay Municipal Health Officer Dr. Amor Dulce Rivera, sa nakalipas na 2 araw ay may 30 pang bagong kaso ng diarrhea na naitala.

Dahil dito, pumalo na sa halos 70 ang kabuuang bilang ng mga nagkakasakit sa mga Dumagat ng Sitio Nayon, Barangay Sta. Ines.

Dalawa pa rin umano ang nasawi, kabilang ang isang taga-Tanay at isang taga-kalapit na barangay na sakop ng General Nakar sa Quezon province.

Ayon kay Rivera, nagtayo na ang lokal na pamahalaan ng hydration clinic sa barangay, na tatagal nang isang linggo.

Nasa bundok ang Barangay Sta. Ines na mararating lamang sa pamamagitan ng pagtawid sa mga ilog at pag-akyat sa bundok.

Hinihinalang sa kontaminadong water source gaya ng bukal ang dahilan ng pagkakasakit ng mga katutubong Dumagat.

Nangyari ang pagkalat ng diarrhea kasunod ng pananalasa ng Bagyong Karding.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.