PatrolPH

Dating vice mayor sa Aurora patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2022 05:54 PM

Masusing iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang pagpatay sa isang dating board member sa lalawigan ng Aurora noong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Narciso Amansec, na dati ring vice mayor sa bayan ng Dipaculao. 

Ayon kay Police Maj. Emil Sison, spokesperson ng Aurora Police Provincial Office, nakatanggap sila ng impormasyon na mayroong nangyaring pamamaril sa bahagi ng national highway sa Barangay Dibutunan, Dipaculao. 

Sa pagresponde ng mga pulis ay nadatnang nakahinto sa daan ang pulang pickup na tadtad ng mga tama ng bala. 

Natagpuang patay sa loob ng sasakyan ang biktima at kaniyang driver na si Leonard Calusa. 

“Nandoon ‘yung driver at pasahero na pawang wala ng buhay. Binaril ang mga ito,” sabi ni Sison. 

Sa imbestigasyon ng Dipaculao police, tinambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang pickup bandang 5:45 ng hapon. 

“Merong saksi na sinasabing merong nakita na tao doon, pero ito ay on foot, walang sasakyan na nakita o nababanggit sa kasalukuyan,” ani Sison.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 25 na basyo ng bala ng kalibre .45 at 9mm na baril. 

Bumuo na ang Aurora Police Provincial Office ng Special Investigation Task Group para matutukan ang imbestigasyon sa pagpatay sa mga biktima. 

“Meron ng good lead na tinitingnan sa pag-iimbestiga… Marami tayong tinitingan na anggulo, subalit hindi po muna natin isinasapubliko,” ani Sison.

Hindi isinasantabi ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa pulitika ang pagpatay kay Amansec. 

Tumakbo si Amansec sa pagka-bise gobernador noong May 2022 local and national election, pero natalo siya. 

Hustisya ang panawagan ng pamilya at mga kaibigan ng mga biktima.

—Ulat ni Harris Julio
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.