PatrolPH

Bangkay ng babae natagpuan sa pension house sa Misamis Oriental

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 10:15 PM | Updated as of Oct 03 2019 10:49 PM

Patay na nang matagpuan ang isang babae sa loob ng pension house sa Barangay Barra sa bayan ng Opol sa Misamis Oriental Huwebes ng hapon.

Sa kuha ng CCTV ng pension house, makikita ang pagcheck-in ng lalaki at babae pasado alas dies noong Miyerkules ng gabi.

Pero pasado alas-12 ng madaling araw, mag-isang lumabas ng pension house ang lalaki.

Huwebes ng tanghali, ilang beses na tumawag ang staff ng pension house sa kuwarto dahil oras na ng check-out. Pero walang sumasagot sa telepono kaya binuksan na lamang ang kuwarto para makita kung may tao pa sa loob.

“Pagsilip ko sa loob, wala akong nakita sa kama. Pero sa gilid nito napansin ko ang paa ng tao at tinabunan ng unan at kumot ang katawan,” sabi ng room attendant na si Reflor Labitad.

Walang suot na salawal ang babaeng biktima at pinaniniwalaan na gabi pa ito patay.

“Sa pisikal wala kaming nakita na sugat sa katawan pero nakatali ang kamay at paa ng biktima,” paliwanag ni PSSg. Mark Reyes, investigator ng Opol Municipal Police Station.

Nakita sa personal na gamit ng biktima ang kaniyang voter certification.

Kinilala ang biktima na si Samirah Marayan, 28 na resident ng Barangay Gasi sa bayan ng Laguindingan.

“Posibleng sinakal ang biktima kaya siya namatay,” dagdag ni Reyes.

Sa punerarya na naabutan ni Jobert Marayan ang katawan ng kaniyang misis.

Ayon kay Jobert, hinatid pa niya sa highway ng Laguindingan ang asawa para sumakay ng jeep dahil pupunta ito sa Cagayan de Oro.

“Nagpaalam siya sa akin na bibisitahin niya ang kaniyang mga magulang sa Cagayan de Oro,” sabi ni Marayan.

Hindi kilala ni Jobert ang lalaking kasama ng kaniyang misis na nagcheck-in sa pension house.

Mayroon nang lead ang pulisya sa suspek ng krimen pero hindi muna pinangalanan habang patuloy pa nila itong hinahanap.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.