PatrolPH

12 pamilya nawalan ng tirahan dahil sa malakas na alon sa Tondo

Karen De Guzman, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2023 09:35 AM | Updated as of Oct 02 2023 07:22 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA— Nawalan ng tirahan ang 12 pamilya matapos wasakin ng naglalakihang alon dulot ng masamang panahon ang kanilang mga bahay sa Barangay 20, Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila nitong Linggo.

Kuwento ng residenteng si Dennis Nerbiol, naghahapunan sila nang biglang naramdaman ang pagyanig ng kanilang bahay.

“Pagkausog niya, inayos ng mga bayaw ko ‘yung ilalim sa tukod. Nilagyan ng brace, hindi na po kinaya kaya bumigay lahat,” sabi ni Nerbiol.

Nababad umano sa tubig ang pundasyon ng kanilang barong-barong na gawa sa mahihinang klase ng kahoy.

Hinampas ng naglalakihang alon dulot ng masamang panahon ang nasa 11 bahay kung kaya't nagiba ang mga ito, ayon kay Arnel Angeles ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

https://sa.kapamilya.com/absnews/abscbnnews/media/2023/news/10/02/tondo.jpg

“‘Yung mga bahay po kasi ay nakatayo sa breakwater, kalahati ng bahay nila. ‘Yung sa likuran, yari sa mga kawayan, mga poste o haligi na ginamit nila at ito po ay dugtong-dugtong. Kaya dumami po ang bahay na napinsala,” ani Angeles.

Tanging ang mga uniporme sa paaralan ng mga anak ni Cielo Abella ang kanilang naisalba dahil nasa labas sila ng bahay nang mangyari ang insidente.

“Washed out na po lahat. Uniform lang po ng mga bata tapos ‘yung iba pong mga damit, hindi na po namin nakuha. Sobrang hirap po talaga. Hindi po namin alam paano mapapaayos ang bahay,” daing ni Abella.

Rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO at agad inilikas ang mga naapektuhang residente sa Delpan Evacuation Center.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.