Buntis na nag-abot ng droga sa kulungan, timbog

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 06:38 AM

MAYNILA—Arestado ang isang buntis matapos umanong mag-abot ng droga sa isang preso sa Sampaloc Police Station sa Maynila Lunes ng gabi.

Kuwento ni alyas Rose na 7 buwang buntis, binisita niya ang asawa na nakakulong doon dahil sa kaso ng pagnanakaw.

Nilapitan umano siya ng isang preso para magpabili ng shabu.

"Natakot ako kasi 'pag hindi ko sinunod, baka saktan 'yong asawa ko," aniya.

Napansin ng mga pulis ang pag-abot ni Rose ng droga na dahilan sa kaniyang agarang pagkaaresto.

"Tiwala siya na porket nakapkapan na siya noong una, makakabalik siya nang malaya. However, noong lumapit na siya sa custodial facility natin, inobserbahan na siya," ani Police Capt. Rey Bundalian ng Manila Police District (MPD) Station 4.

Inamin ni Rose na kikita sana siya ng P100 sa pagbili ng droga na may halagang P600.

Humihingi naman ng pasensiya ang preso na nag-utos sa kaniya.

"Nagsisisi kasi nakadamay ako ng walang kaalam-alam," ani Abdullah Ampatua.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.