PatrolPH

Bagyong Karding maaaring tumama sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2022 09:31 PM | Updated as of Sep 25 2022 12:27 AM

(UPDATED) Patuloy na lumalakas ang bagyong Karding na inaasahang magdadala ng matinding pag-ulan sa Isabela, Cagayan, Aurora at iba't ibang parte ng Central Luzon.

Ayon kay PAGASA weather specialist Raymond Ordinario, kung patuloy ang pag-usad nito sa west southwest direction ay maaari itong tumama sa Kalakhang Maynila at Calabarzon.

"Halos sumasadsad pa ang track ni Karding kaya binabantayan na natin ngayon ang area ng CALABARZON at Metro Manila dahil posibleng kung patuloy na sasadsad si Karding, ay maaaring nitong matamaan o mahagip ang Metro Manila," aniya.

Maaari pa aniyang magtaas ng signal storm number 3 sa ilang bahagi ng bansa Sabado ng gabi.

"Antabayanan natin kapag nag typhoon intensity itong si Karding, ay magkakaroon na tayo ng signal number 4," sabi ni Ordinario.

Mula Linggo ng hapon, dadaan ang bagyo sa Central Luzon.

Maaring bahagyang humina ang bagyo kapag sumalpok sa Sierra Madre mountain range at Zambales mountain range.

Inaahasang lalabas ng kalupaan ng Pilipinas ang bagyo madaling-araw ng Lunes at posibleng umalis ng Philippine area of responsibility sa Martes.

Nananawagan ang PAGASA sa mga residente ng Central Luzon na paghandaan ang pagdaan ng bagyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.