Bata patay sa sunog sa Lapu-Lapu City

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 01:25 PM

Namatay ang isang bata sa sunog na tumama sa kaniyang bahay sa Barangay Agus sa Lapu-Lapu City ngayong umaga ng Lunes.

Naiwan umanong natutulog sa kaniyang kuwarto ang 5 taong gulang na batang lalaki sa ikalawang palapag ng bahay.

Short circuit mula sa naiwang bukas na electric fan ang hinihinalang sanhi ng sunog, na nangyari bandang alas-9 ng umaga, ayon sa imbestigador na si Senior Fire Officer 2 Christian Canadon.

Bumalik umano ang ama ng bata sa bahay at sinubukang sagipin ang kaniyang anak pero nahirapan itong makapasok dahil sa tindi ng sunog.

Bahagyang napinsala ang katabing bahay.

Tinatayang nasa P120,000 ang halaga ng pinsala sa sunog.

-- Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.