TFC News

Taiwan, niyanig ng malalakas na lindol; mga Pinoy ligtas

Marie Yang  | TFC News Taiwan 

Posted at Sep 20 2022 12:00 PM | Updated as of Sep 20 2022 02:22 PM

Watch more News on iWantTFC

TAIWAN - Niyanig ng sunod-sunod na lindol ang buong Taiwan nitong Sabado, September 17 hanggang Linggo, September 18, 2022.     

Sa video na kuha ng OFW household caretaker sa Taipei na si Catherine, kita ang pagyanig sa Taipei City Linggo ng hapon. Mahina lang noong una pero biglang lumakas. Nawalan pa ng balanse si Catherine.    

“Nakaupo po ako noon sa sofa tapos biglang nahulog po ako sa kinauupuan ko. Ninerbyos po ako kasi sobrang lakas po talaga,” sabi ni Catherine.  

Labis siyang nabahala dahil sila ay nasa ikalawampu’t-tatlong  palapag ng gusali.   

“Hindi naman po natin masasabi, anytime po baka biglang gumuho ang building, naisip ko din mga anak ko po sa Pinas kasi baka anong mangyari. Paano na lang sila baka mamaya matumba ang building namin...,” pag-aalala ni Catherine.   

Sa mga videong ibinahagi ng Central News Agency na government media arm ng Taiwan, nabalot ng makapal na abo ang gusaling ito sa Fuli district sa Hualien county matapos ang magnitude 6.8 na lindol nitong Linggo ng hapon, base sa Central Weather Bureau Seismological Center. Sa lakas ng pagyanig, nasira rin ang ilang gusali. Kita rin ang pagkasira ng tulay sa isa pang bahagi ng Hualien country.     

May nadiskaril ding tren sa Dongli station sa Fuli. Bago ito, naitala rin ng Central Weather Bureau Seismological Center ang magnitude 6.4 na lindol sa Taiwan nitong Sabado, September 17.  

Pinayuhan naman ng MECO Labor Attache ng Pilipinas Taiwan ang mga Pinoy na magreport sa Labor hotline: 0932218057 sakaling apektado sila ng lindol at nangangailangan ng tulong.    

Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.