Mocha Uson, blogger inireklamo dahil sa sign language video

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 04:54 PM | Updated as of Jan 09 2020 02:48 PM

Inireklamo nitong Huwebes sa Office of the Ombudsman sina Communications Assistant Secretary Mocha Uson at blogger na si Drew Olivar dahil sa isa nilang video kung saan niloloko umano ng dalawa ang paggamit ng sign language. ABS-CBN News

Inireklamo nitong Huwebes ng mga miyembro at kaalyado ng komunidad ng Persons With Disabilities (PWD) sina Communications Assistant Secretary Mocha Uson at blogger Drew Olivar dahil sa isa nilang video kung saan niloloko umano ng dalawa ang paggamit ng sign language.

Sa kaniyang affidavit, sinabi ni Carolyn Dagani, pangulo ng Philippine Federation of the Deaf, na "vulgar" o pambabastos at nagpakita ng masamang halimbawa si Olivar habang nag-iimbento ng mga kilos ng kamay sa video.

"Mocha Uson and Drew Olivar were laughing and making fun of us. Together, they stepped all over us and crushed us, killing our dignity," sabi ni Dagani.

("Pinagtatawanan at ginagawa kaming katawa-tawa nina Mocha Uson at Drew Olivar. Magkasama nila kaming tinapakan at pinatay ang aming dignidad.")

Watch more in iWant or TFC.tv

Para kay Dagani, dapat magbitiw o sibakin sa puwesto si Uson.

"Maybe resign, taken out of the position, whatever," sabi ni Dagani sa pamamagitan ng interpreter.

Ayon naman kay Philippine Deaf Resource Center Executive Director Liza Martinez, isa pang nagreklamo, may ilang lokal na batas na maaaring magamit laban kina Uson at Olivar.

Kabilang daw rito ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Civil Code, Cybercrime Law at ang Magna Carta on Disabled Persons.

"Mayroon kasing specific section doon regarding the ridicule of persons with disabilities," sabi ni Martinez.

("Mayroon kasing partikular na bahagi doon tungkol sa panghihiya sa mga taong may kapansanan.")

Pinaalalahanan naman ni Lauro Purcil, convenor ng Philippine Coalition on the United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities, si Uson na maging mabuting halimbawa sa iba lalo at isa siyang opisyal ng gobyerno.

"Siya ay government high-ranking official at siya ay dapat magbigay ng tamang halimbawa at tamang impormasyon na may paggalang sa tao, sa mga kapwa naming may kapansanan," ani Purcil.

Bukod sa reklamo dahil sa video, may ilan pang reklamo laban kay Uson sa Ombudsman na isinampa ni Sen. Antonio Trillanes dahil sa umano ay pagpapakalat niya ng mga pekeng balita at pagtanghal sa isang casino.

Sa isang video na ibinahagi ni Uson noong Huwebes, mapapanood si Olivar na mistulang nagsa-sign language at gumagawa ng mga tunog, na tila paggaya sa mga taong may kapansanan sa pagdinig. Maririnig namang tumatawa sa likod ng kamera ang pinaniniwalaang si Uson.

Umani ng batikos ang video mula sa netizens, mga grupo ng mga PWD at maging sa mga mambabatas.

Bagaman humingi na ng tawad sina Uson at Olivar, sinabi ni Dagani na hindi ito tanggap ng kanilang komunidad.

"There are so many deaf people I have asked and they would not accept," sabi ni Dagani.

Noong nakaraang buwan, nasangkot sina Uson at Olivar sa isa ring kontrobersiyal na video ukol sa pederalismo tampok ang malaswa umanong pag-awit at pagsasayaw.

-- May ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.