'Pepedederalismo, pambababoy': Mocha pinagli-leave | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Pepedederalismo, pambababoy': Mocha pinagli-leave

'Pepedederalismo, pambababoy': Mocha pinagli-leave

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 06, 2018 08:56 PM PHT

Clipboard

Hinimok nitong Lunes ni Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III si Communications Assistant Secretary Margaux "Mocha" Uson na pansamantala munang magpahinga sa trabaho matapos mag-post ang opisyal ng video ukol sa pederalismo tampok ang malaswa umanong pag-awit at pagsasayaw.

"Di ko lubos na akalain na bababuyin pala nila ang kawsa ng pederalismo. Ilayo na si Mocha sa pederalismo. Mag-aral muna siya nang mabuti. Mag-leave muna siya," sabi ni Pimentel sa isang pahayag.

Ibinahagi noong Huwebes ni Uson sa kaniyang 5.6 milyong Facebook followers ang isang episode ng "Good News Game Show," kung saan tampok sila ng kaniyang co-host at social media personality na si Drew Olivar.

Sa simula ng video, mapapanood si Olivar na inaawit ang mga linyang "Ipepe, ipepe. Idede, idede. Ipede, pede, pede, pederalismo!" habang nagsasayaw. Kabilang sa steps ay ang pagturo o pagmuwestra ni Olivar sa dibdib at sa pagitan ng kanyang mga hita.

ADVERTISEMENT

Si Pimentel ang pangulo ng PDP-Laban, ang partidong kinabibilangan ni Pangulong Rodrigo Duterte, na isa sa mga nagtutulak sa pagbabago patungo sa sistemang pederalismo ng gobyerno.

Ang ama naman ni Pimentel na si dating Senate President Nene Pimentel ay isang miyembro ng consultative committee na binuo ni Duterte para magbalangkas ng federal charter.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinuna rin ni Pimentel ang umano ay "mali-maling" pagpapaliwanag sa pederalismo sa video.

"Even without the dance and the song, listen to the statement they read. Mali-mali pa ang substance!" aniya.

Sa isang bahagi ng video, nagbasa rin si Olivar ng kahulugan ng pederalismo at sinundan ito ng paglalarawan sa naturang porma ng gobyerno bilang "rainbow" o bahaghari.

"Ang federalism, parang rainbow 'yan. Kita ninyo 'yung rainbow? Di ba seven ang kulay na magkakaiba at kanya-kanya ang guhit. Pero pinagsama-sama sila sa isang hilera, at ganda-ganda nila," ani Olivar.

"Ganyan ang layunin ng federalism, na sa kabila ng ating pagkakaiba, kaya nating mag-shine nang sama-sama," aniya.

Ayon pa kay Olivar, kabilang ang United States, France at Singapore sa mga bansang sumusunod sa federal government bagaman hindi federal ang gobyerno ng France at Singapore.

Bukod kay Pimentel, iba pang senador ang bumatikos kay Uson, kabilang si Senate President Tito Sotto na nagsabing hindi gagana ang "theatrical techniques" para maipaliwanag ang isang seryoso at malalim na paksa gaya ng pederalismo.

"Theatrical techniques will not work to explain a very serious and highfalutin issue, such as federalism," ani Sotto.

Itinuturing namang pambabastos sa mga kababaihan ni Sen. Risa Hontiveros ang pagbanggit sa video sa mga maseselang bahagi ng katawan ng babae.

"Ano ang kinalaman ng maseselang bahagi ng katawan ng babae sa usapin ng pederalismo? Inatasan at hiningan ng tulong si Ms. Uson para ipaliwanag sa publiko ang issue ng pederalismo, hindi para bastusin ang mga kababaihan at i-sexualize ang aming mga katawan," aniya.

Para naman kay Sen. Francis Escudero, isang paraan ng pagpapapansin ang ginawa sa video.

"It is a desperate attempt to attract attention by intentionally offending our sense of propriety! It is downright vulgar and has no place in the public discourse on such an important issue," ani Escudero.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, pinagtibay ni Uson ang kamatayan ng panukalang charter change ng administrasyon.

"Without Mocha Uson, federalism is already dead and awaiting cremation at the Senate. With Mocha Uson, the ashes should be thrown far, far away from the Philippines’ 7,107 beautiful islands," ani Lacson.

Bukod sa mga senador at mga netizen, isa ring miyembro ng consultative committee ni Duterte ang bumatikos sa video nina Uson.

Sa kaniyang Twitter account, ipinahayag ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Gregorio Larrazabal ang kaniyang pagkabahala sa video dahil sa paggamit umano ng "toilet humor" at "sex" sa isang mahalagang paksa gaya ng pederalismo.

Sumang-ayon naman kay Larrazabal sa pamamagitan ng reply sa Twitter si Fr. Ranhilio Aquino, na miyembro ng consultative committee.

Ayon pa kay Aquino, "disgusted" o nandiri siya sa video.

Dumepensa naman sina Olivar at sinabing ang mga kritiko lang ang nagbibigay ng ibang kahulugan sa mga linya ng kaniyang kanta.

Binigyang diin din ni Olivar na nagbahagi sila sa video ng trivia ukol sa pederalismo.

Nilinaw din ni Uson na walang pondo ng gobyernong ginamit sa online game show.

"Wala pong inilabas na pera dito sa video na ito o sa game show na ito. Walang pera, walang budget, hindi po binayaran si Drew," aniya.

Para naman kay presidential spokesperson Harry Roque, mabuti ang hangarin ni Uson na ipaliwanag ang pederalismo subalit naging mali lang ang antas ng diskurso.

"Siguro meron siyang mabuting mga hangarin at nakamit niya siguro iyong hangarin niya na dapat pag-usapan. Pero hindi po ganyang pag-uusap ang ninais natin," sabi nitong Lunes ni Roque sa radio dzRH.

-- May ulat nina Dharel Placido at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.