15,000 health workers, 'delikado' dahil sa bawas sa DOH budget

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 06:19 PM | Updated as of Sep 18 2018 08:23 PM

Higit 15,000 health workers ng gobyerno ang pinangangambahang mawalan ng trabaho dahil sa pagtapyas ng Department of Budget and Management (DBM) sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon.

Sa pagdinig ng Senado nitong Lunes sa pondo ng DOH para sa 2019, kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Budget Assistant Director Jane Abella dahil sa pondo para sa dalawang programa ng Health department.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang mga tinutukoy na programa ay ang Health Facilities Enhancement Program na layong magtayo ng mga karagdagang pagamutan at ospital, at ang Health Human Resources Deployment na pansuweldo sa mga health worker. 

Dahil sa tapyas, posibleng walang maitayong mga health center at ospital, at mawalan ng trabaho ang 15,012 health workers gaya ng mga doktor at nars, ayon kay Drilon.

Pero ayon kay Abella, binawasan ang mga pondo dahil sa mabagal na paggamit ng mga pondo sa mga programa nitong taon.

Nasa P50 milyon ang panukalang pondo para sa Health Facilities Enhancement Program mula sa P30.6 bilyong natanggap nito ngayong 2018, habang nasa P1.2 bilyon naman ang pondo para sa Health Human Resources Deployment mula sa P9.6 bilyon nitong taon.

Ayon sa mga senador, handa silang harangin ang panukalang pambansang budget kung igigiit ng DBM ang pagtapyas sa pondo ng DOH.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.