1 kritikal sa pag-araro ng truck sa mga sasakyan sa Baguio

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2017 05:15 PM

Inararo ng isang cement mixer truck ang 5 sasakyan at 2 motorsiklo sa Marcos Highway, Baguio City nitong Biyernes. Micaella Ilao, ABS-CBN News

BAGUIO CITY- Kritikal ang kalagayan ng isang babae matapos itong mabangga sa pag-araro ng isang cement mixer truck sa 5 sasakyan at 2 motorsiklo sa Marcos Highway nitong Biyernes ng tanghali.

Agad isinugod ang biktimang hindi pa nakikilala sa Baguio General Hospital matapos itong mabangga ng 2 sasakyan na inararo ng truck.

Kwento ng mga drayber ng mga natamaang sasakyan, matulin ang takbo ng truck.

"Paalis na kami sa kainan tapos may bumangga nalang sa likod namin, ang bilis nung mixer tapos nabangga niya pa 'yung mga nakaparada na sasakyan sa gilid," kwento ni Elmer Tamundong, drayber ng isa sa mga sasakyang nabangga.

Nagtamo rin ng mga galos ang mga drayber ng sasakyan na nabangga.

Ayon naman sa drayber ng truck na nakiusap na huwag pangalanan, napansin na lang niya na wala nang preno ang mixer.

"Nung palusong na, trapik na. Nag-preno ako tapos walang preno, tapos ayun naghanap ako kung saan puwede ibangga, pero wala kasi puro naka-park... Ayun, nabangga ko lahat," aniya.

Galing sa isang batching plant sa Tuba, Benguet ang mixer na dadalhin sana sa Barangay BGH compound sa Baguio.

Nasa kustodiya na ng mga pulis ang drayber ng truck na humihingi ng tawad sa mga naaksidente nito.

Maaari siyang maharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.