5 pulis sugatan sa aksidente sa Quezon

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 02:01 PM

Nahilo umano ang pulis na nagmaneho ng mobile patrol kaya nahagip nito ang kasalubong na jeep bago bumangga sa nakaparadang truck sa tabi ng kalsada sa bayan ng Gumaca sa Quezon. Larawan mula sa Bureau of Fire Protection-Plaridel

GUMACA, Quezon - Sugatan ang 5 pulis ng Calauag Municipal Police Station nang maaksidente ang sinasakyang police mobile sa Maharlika Highway sa Barangay Calumanguin, Biyernes ng hapon.

Nangyari ang aksidente malapit sa municipal boundary ng Gumaca at Plaridel kaya rescue team ng Bureau of Fire Protection ng Plaridel ang unang nakaresponde sa mga biktima at agad dinala sa ospital ng Gumaca.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Gumaca Municipal Police, nahilo raw ang driver ng police mobile na si Police Cpl. Eric Gregy Estrella dahil sa naramdaman na paglindol na tumama naman sa Burdeos, Quezon.

Nahagip ng police mobile ang kasalubong nito na pampasaherong jeep na minamaneho ni Jervin Garcia Solis bago banggain ang nakaparadang truck sa kabilang bahagi ng kalsada na minamaneho naman ni Arjay Llorente.

Nasa kalahating oras makalipas ang lindol nang mangyari ang aksidente kaya iimbestigahan umano ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Gumaca at pulisya kung dapat isisi sa lindol ang pangyayari.

Hindi naman na kinasuhan ng reckless imprudence resulting in damage to properties ang driver ng police mobile dahil pumayag ang driver ng jeep at truck na makipag-areglo na lamang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.