13 huli sa umano'y pagpapatakbo ng jueteng operation sa QC

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 05:00 PM | Updated as of Sep 12 2019 07:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Labintatlong tao ang dinampot nitong Martes ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos maaktuhang nagpapatakbo ng operasyon ng jueteng, isang uri ng ilegal na sugal, sa Quezon City.

Sinalakay ng mga taga-Special Operations Unit ng NCRPO ang lugar ng jueteng operation sa may Barangay Santa Lucia.

Kabilang sa mga naaresto ang umano ay table manager na si Ronelio Malabanan habang ang iba ay mga runner, checker, at kolektor ng taya.

Narekober sa mga suspek ang iba't ibang gamit sa jueteng.

Ikinasa ang pag-aresto matapos mahuli ang isang kolektor na nagturo naman sa kaniyang mga kasamahan, ayon sa NCRPO.

Inamin naman ng mga suspek na alam nilang ilegal ang kanilang ginagawa pero wala umano silang ibang pagkakakitaan. 

Karamihan sa mga suspek ay galing umano sa mga probinsiya at nagpunta sa Maynila para magtrabaho.

Kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 9287, ang batas laban sa illegal numbers game, ang mga suspek.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.