Tuwing panahon ng Undas, kumukita nang malaki sa pagtitinda at paglilinis ng mga nitso si Perla Rocacorba, na nakatira sa sementeryo sa Barangay Lecheria sa Calamba City, Laguna.
Kaya naman nanlumo umano siya nang mabalitaang isasara sa Undas ang sementeryo.
"Kami po ay nagtitinda ng softdrinks, kandila, bulaklak kapag Undas pero ngayong krisis na ganito ay hindi namin alam kung papaano ang hanapbuhay na nakasanayan namin," ani Rocacorba.
Pagsapit ng Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1, isasara ang lahat ng sementeryo sa Calamba City pati mga kalsada sa paligid nito, base sa anunsiyo ng lokal na pamahalaan.
Pero may pagkakataon pa ring dumalaw sa mga namayapang mahal sa buhay.
Mula Oktubre 1, puwedeng dumalaw sa sementeryo.
"Babantayan namin. Hindi puwede mga bata, matatanda. Andoon pa rin ang provisions ng general [community] quarantine," ani Calamba City Mayor Timmy Chipeco.
"Ginagawa natin mas maaga para hindi magsabay-sabay ang mga tao," dagdag niya.
Pabor sa patakaran ang residenteng si Gilbert Bituin, na dumalaw na sa sementeryo ngayong Huwebes para sa ika-40 araw mula sa kamatayan ng kaniyang ate.
Pinahaba man ang panahon ng pagdalaw, bawal pa rin ang pagtitinda sa loob at labas ng sementeryo. Kukumpiskahin umano ang mga paninda ng mga lalabag dito.
Hahanapan ng Calamba City government ng maayos na puwesto ang mga apektadong vendor tulad ni Rocacorba.
Sa Batangas City, ipinag-utos din na isara ang mga sementeryo simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.
Pinayuhan ang publiko na magtungo na lamang sa mga sementeryo bago mag-Oktubre 30 o pagkatapos ng Nobyembre 2 basta tiyaking masusunod ang physical distancing.
Sa Metro Manila, nagpasya ang mga alkalde na isara rin ang mga sementeryo sa Undas dahil sa COVID-19 pandemic.
-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, rehiyon, Calamba City, Batangas City, cemetery, Undas, All Souls' Day, Undas cemetery closure, COVID-19, COVID-19 Undas, COVID-19 updates, COVID-19 pandemic