Lalaki bumuo ng bisikletang gawa sa kahoy, bakal sa Guimaras

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 07:33 PM

Ayon sa may-ari ng bisikleta na si Jannifer Cabaya, matagal na niyang pangarap na magkaroon ng sariling bisikleta. Pero dahil walang budget na pambili, naisip niyang gumawa na lang ng sarili niyang bersiyon mula sa mga patapon nang kahoy at bakal. Photo Courtesy: Renzie Azucena

MAYNILA - Hinahangaan ngayon sa social media ang isang bisikletang ginamitan ng kahoy at bakal na gawa ng isang katiwala ng bukid sa Guimaras.

Kuwento ng Bayan Patroller na si Renzie Azucena, bumibiyahe siya sa Barangay Supang sa Buenavista nang nadaanan niya sa kalsada ang 32 anyos na si Jannifer Cabaya.

Nagmamaneho si Cabaya ng bisikletang gawa sa kahoy at bakal.

Bumilib si Renzie sa pagkamalikhain ni Cabaya kaya ipinost niya ang larawan nito sa Facebook.

Ayon kay Cabaya, matagal na niyang pangarap na magkaroon ng sariling bisikleta.

Pero dahil walang budget na pambili, naisip niyang gumawa na lang ng sarili niyang bersiyon mula sa mga patapon nang kahoy at bakal.

"Matagal ko na pong gusto maka bisikleta. Di ko naman makaya bilhin kaya ginawan ko ng paraan… Ang harap na gulong hiniram ko lang," ani Cabaya.

Sa ngayon, ginagamit ni Cabaya ang kaniyang bisikleta tuwing lumuluwas siya sa bayan mula sa bukid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.