78 anyos ninakawan, pinatay sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2019 07:34 PM

ZAMBOANGA CITY - Natagpuang patay nitong Martes ang isang 78 anyos na babae sa kaniyang bahay sa Barangay Mercedes sa lungsod na ito. 

Mag-isa lang naninirahan ang biktima sa bahay, ayon sa pamangkin nito. Huli niyang napuntahan ang matanda sa bahay nang dalhan ito ng pagkain. 

Lumalabas sa imbestigasyon ng Police Station 4 (PS4) ng Zamboanga city na dumaan sa bintana ang mga suspek at sinira ang door knob ng bahay para makapasok. 

Sinakal umano ang matanda na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Nang madatnan ang bahay ng biktima, nakakalat ang mga gamit nito sa kuwarto at nakabukas ang lahat ng drawer nito. 

Ayon Kay Police Major Chester Natividad, hepe ng PS4, ninakawan ng mga suspek ang matanda at tinangay ang ilang libong pisong pera nito.

Ayon sa mga kaanak, Lunes ng umaga nang mag-withdraw ng pera ang matanda na nasa P15,000. 

Sinisilip ng mg awtoridad kung alam ng suspek na may dalang pera ang biktima. 

Tinutugis pa ng mga pulisya ang suspek. 

-- Ulat ni Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.