Robin Padilla, puwede nga bang arestuhin si Senador Trillanes?

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2018 10:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kasagsagan ng pagpapawalangbisa sa amnestiya ni Senador Antonio Trillanes, nagsabi ang aktor na si Robin Padilla na gusto niyang arestuhin ang senador sa loob ng gusali ng senado.

Dalawang araw pa tumambay ang aktor sa tapat ng Senado at kinatuwiran na puwede ang citizen's arrest sa pag-aresto kay Trillanes.

Ang citizen's arrest ay ang kapangyarihan ng isang mamayan na mang-aresto kahit hindi siya tagapagpatupad ng batas. 

"Kahit ikaw ay hindi police officer o wala kang awtoridad na mang-aresto, bilang citizen ay puwede kang manghuli," ayon sa abogadong si Claire Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Biyernes, 

Pero ayon sa abogado, maaari lang daw ito gawin kapag: nakita mo ang nangyaring krimen; hindi mo nasaksihan 'yung krimen pero naniniwala kang ginawa ng suspek ang krimen (tulad ng pagnanakaw); o pugante o takas sa bilangguan ang huhulihin.

Para kay Castro, walang batayan para arestuhin ni Padilla si Trillanes dahil hindi saklaw ng tatlong kondisyon ang kaso ng senador.

"Unang una, walang ginagawang krimen sa sitwasyon. Hindi rin applicable ang sinasabi nating probable cause. Pangatlo, hindi naman siya nag-escape kasi na-dismiss 'yung kaso niya because of the amnesty... so mukhang hindi siya papasok sa citizen's arrest," ani Castro. 

"Siguro kasi nagmukha siyang excited. Mukhang nadala siya sa emosyon," dagdag niya. 

Pinawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnesty ni Trillanes dahil sa umano'y hindi pagsunod sa requirement na umamin sa kasalanan. 

Si Trillanes ay kinasuhan ng coup d'etat at rebellion matapos pangunahan ang pag-aaklas laban sa gobyerno noong 2003 at 2007. 

Hiniling na ng Department of Justice na maglabas ng warrant of arrest at hold departure order ang Makati Regional Trial Court laban sa senador.

Nagsampa naman ng petisyon sa Supreme Court si Trillanes upang labanan ang kautusan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.